Humingi ng tawad si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president Archbishop Romulo Valles sa mga biktima ng sexual abuse ng ilang pari ng Simbahang Katolika.
Kasabay nito ay tiniyak ni Valles na walang magaganap na cover-up sa mga sexual abuse na kinasasangkutan ng ilang pari sa bansa.
Inihayag ito ni Valles sa isang misa sa Davao City noong Biyernes kung saan binigyang-diin nito na kanilang poprotektahan ang mga kabataan sa simbahan.
“You hear me, no hesitation and cover-up,” pahayag ni Valles.
Inamin ni Valles ang mga nakakahiyang insidente ng sexual abuse na kinasasangkutan ng ilan sa mga pari ng Simbahang Katolika at nangako ito na kanilang wawakasan ang mga ganitong insidente.
Humingi ng kapatawaran si Valles at tiniyak na hindi na mangyayari ito sa Simbahan sa hinaharap.
Kabilang si Valles sa halos 200 mga lider ng Simbahang Katolika mula sa iba’t ibang panig ng mundo na dumalo sa isang pagpupulong sa Vatican hinggil sa mga sex abuse case na kinasangkutan ng mga pari.
Makailang beses na rin na humingi ng tawad si Pope Francis hinggil sa nasabing isyu at tiniyak na mananagot ang mga sangkot na pari.