Mapait na salubong sa 2019

Bigyan ng proteksyon ang media

By Boyet Jadulco

Marami ang nagsaya sa pagsalubong ng Bagong Taon kahit na naging maulan.

Umapaaw ang handa ng mga pamilyang maykaya sa buhay, habang ang ibang kapus-palad, nakangiti pa rin kahit isa o dalawang putahe lang ang nakahain sa mesa.

Ang kanilang kasiyahan ay idinokumento sa pamamagitan ng pagpo-post sa Facebook, Instagram at Twitter. Lahat ng kanilang larawan ay sumasalamin sa maayos nilang kalagayan kahit na walang humpay ang buhos ng ulan sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

Sa ibang panig naman ng bansa, maraming pamilya ang pinerwisyo ng patuloy na pag-ulan dulot ng bagyong Usman. Sa isla ng Samar kung saan ­unang naglandfall ang bagyo bago naging low-pressure area, lumubog sa baha ang malaking bahagi ng Calbayog City kahit na sa mga lugar na bihirang bahain. Na­ging mabagal pa ang pagdating ng tulong mula sa gobyerno.

Maging ang Bicol region at ilang bahagi ng Region 4, kasama sa nadale ng bagyo. Ilang mga kabaha­yan ang tinabunan ng landslide sa Camarines Sur. Dito mo makikita ang larawan ng mga taong nahukay mula sa ilalim ng gumuhong lupa. Sa buong Pilipinas, umabot sa 75 ang namatay ang pinakahuling ulat ng mga awtoridad.

Ang bagyong Usman ang huling tumama sa bansa noong 2018, pero ikalawa siya sa may pinakamalaking bilang ng casualties sa likod ng bagyong Ompong na kumitil ng 85 katao sa Nor­thern Luzon. Nataon ang pananalasa ng bagyong Usman sa Pasko at Bagong Taon kung saan nagsasaya dapat ang marami sa ating kababayan, bagkus ay naging mapait na panahon ito sa kanila.

Dito dapat tumulong ang mga politikong tatakbo sa darating na halalan. Pero sana naman, maging bukal sa loob ang kanilang tulong at walang halong pamomolitika. Yung mga makakapal ang mukha, tiyak na mamumudmod ng relief goods na may nakasulat ng kanilang pangalan at mukha.

Sa kabila nito, kilala ang mga Pinoy na matatag kahit na ilang unos pa ang dumating sa kanilang buhay. Mapait man ang pagsalubong nila sa Bagong Taon, malakas pa rin ang kanilang kumpiyansa na sisikat din ang araw at gagan­da rin ang takbo ng kanilang buhay ngayong taon.