Walang takot ang mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa pamumuno ni acting QCPD Director, Police Senior Superintendent Guillermo Lorenzo Eleazar sa inilalatag na serye ng operasyon kontra iligal na droga sa lungsod .

Aba’y nito lamang nakalipas na linggo ay dalawang malaking pagsalakay ang isinagawa ng QCPD na umiskor ng may 72-kataong sangkot sa kalakaran ng iligal na droga.

Una rito ay ang ikinasang Oplan Galugad ng mga operatiba ng Talipapa Police Station sa pangunguna ni Supt. Danilo Mendoza sa loob ng Salaam Compound sa Barangay Culiat sa Quezon City na nagresulta ng pagkakaaresto sa nasabing mga suspek.

Pero ayon nga kay Eleazar hindi sila magtatagum­pay sa nasabing operasyon kung hindi sa pakikipagtulungan ngmismong  mga opisyal ng barangay at residente sa lugar na nagbigay ng impormasyon kaugnay ng nagaganap na illegal drug activities sa Mujahaydin St., sa Salaam Compound na isa na palang malawak na drug den.

Matapang lamang ang maaring sumalakay sa lugar dahil notoryus ito pagdating sa iligal na droga. Mahirap daw itong mapasok.

Subalit walang mahirap para kay Eleazar, lahat ay susuungin masiguro lamang ligtas ang komunidad sa krimen at sa iligal na droga.

Bukod sa notoryus na lugar sa Barangay Culiat ay sinalakay din ng QCPD katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang Barangay Pasong Tamo na nasa McArthur Avenue na mayroon na ring drug den.

Tatlumpu’t-apat na katao naman ang nasukol sa nasabing operasyon pero sa kabila ng tagumpay ay hindi happy si Eleazar dahil may tatlong menor de edad na nakasama sa mga naaresto.

Sa operasyong iyon ay naramdaman ng opisyal ang masamang epekto ng iligal na droga dahil marami talagang nasasayang na buhay sa paggamit ng iligal na droga kagaya ng nangyari sa tatlong menor de edad.

Hindi tuloy napigil ng opisyal ang sarili na suportahan si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasabing masyado nang malala ang problema sa iligal na droga sa bansa.

“Sa mga hindi naniniwala dati sa sinasabi ni Pa­ngulong Duterte kung gaano kalala ang problema sa iligal na droga, ito po ngayon ang pruweba — itong resulta ng isang operation lang, na kung saan 72 ang huli. Kung titingnan mo sila ay parang mga zombie. Maaawa kayo sa kalagayan nila,” deklara ni Eleazar.

Ang masaklap pa aniya ay ang masamang sinasapit ng mga nabibiktima ng mga adik na nakakagawa ng krimen dahil wala na sa katinuan at hindi na tuwid mag-isip bunsod ng epekto ng droga.

Pero punto pa ni Eleazar, kasama sa positibong idinudulot ng kampanya laban sa iligal na droga, ito ay ang pagbuhay sa diwa ng civic duty ng mamamayan.

“This operation again highlights the value of ci­vic spiritedness and support for your police, without which we cannot be fully effective,” ang pahayag ni Eleazar.

Partikular ding nais na pasalamatan ni Eleazar ang mga opisyal ng barangay sa Culiat, Quezon City at ang mga community leader doon na aktibong nakikipagtulungan sa mga awtoridad.

Sabagay, anumang tagumpay ng kapulisan at mi­litar ay may malaki talagang kontribusyon ang bawat komunidad, lalo na ang mga pinuno kaya dapat lamang kinikilala ang kanilang inisyatibo.