Habang pinapanood ko ang mga report mula sa Marawi ng aking mga kapwa mediamen lalo na ang mga TV reporter at photo journalist, hindi natin maiwasang mangamba para sa kanilang kaligtasan.

Mapanganib ang klase ng trabaho na kanilang pinasok. Kahit naka-bullet proof vest pa sila ay ­nakalantad pa rin ang kanilang mga katawan sa mga ligaw na bala at bomba sa kanilang pagko-cover sa giyerang nagaganap sa Marawi City.

Na-experience ko na ring maging war correspondent noong ako ay radio-TV reporter pa ng ABS-CBN. Madalas akong ipadala noon ng aming network sa mga kaguluhan at giyera sa Mindanao, nakarating pa nga ako sa Middle East sa pag-cover ng Gulf War.

Sa mga kabaro nating sina Jiggy Manicad, Emil Sumangil, Chiara Zambrano, Kaye Imson at iba pa na ang layunin ay mag-report ng aktuwal na kaganapan sa Marawi, ingat na lang kayo d’yan.

Nagpalabas naman ng advisory si Undersecretary Joel Egco, Executive Director ng Presidential Task Force on Media Security. “Sa mga kapatid natin sa media na nagko-cover sa Marawi, maaaring makipag-­coordinate lamang po sa amin para mabigyan kayo ng gabay para sa kaligtasan ninyo,” ayon kay Egco.

Sa librong “Dispatches from the Edge” ng CNN reporter na si Anderson Cooper, ikinuwento niya ang isang buhay na mapanganib. Mula nang siya ay nagtapos sa Yale University ay nagbiyahe na sa mga war-torn countries para mag-cover ng mga istorya tungkol sa digmaan.

Sa mahigit na 20 taon, isa na siguro siya sa mga taong nagkaroon ng first hand experiences sa lahat ng uri ng trahedya sa daigdig. Ito ang ikinuwento ni ­Anderson sa kanyang libro.

Ang kanyang saloobin at mga behind-the-scene anecdotes sa pagko-cover ng tsunami sa Sri Lanka, ang giyera sa Iraq, ang famine sa Somalia, ang hurricane Katrina at kung anu-ano pa.

Isinalarawan niya ang anyo at amoy ng kamatayan­ — ang daan-daang biktima ng massacre na kanyang nasaksihan sa Africa at Middle East.

Natatapakan niya ang mga bangkay ng mga napatay at hanggang sa pag-uwi niya sa kanyang magarang flat sa New York, naamoy pa niya ang mabahong ali­ngasaw ng mga bangkay kahit siya ay nakapaligo na.

Sa Marawi naman, sa pinakahuling impormasyon, umakyat na sa mahigit 100 ang bilang ng mga namamatay sa patuloy na bakbakan ng militar at Maute Group.

Ayon kay AFP PIO Chief Col. Edgard Arevalo­ — sa huling tala, nasa 61 miyembro ng teroristang grupo ang napatay kabilang ang anim na dayuhan, 20 naman sa panig ng gobyerno habang 19 sa sibilyan.

Ayon kay AFP Spokesperson Brig. Gen. Restituto­ Padilla — nagpapagaling pa rin sa ospital ang 39 na sundalong sugatan sa bakbakan.

Habang sinusulat natin ang artikulong ito, iniulat ng militar na nagpapatuloy ang opensiba at pagpapa­kawala ng artillery fire sa ilang lugar sa Marawi para mapabilis ang clearing operations.

Nanindigan ang AFP na kanilang ipagpapatuloy ang airstrikes sa Marawi City. Ito ay sa kabila ng mga pana­wagang itigil na muna ang airstrikes ng militar ­para ­maprotektahan ang sibilyan at mga gusali sa lugar.