Nagsimula nang manungkulan ang mga itinalagang miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ni President Mayor Digong Duterte, na mamumuno sa bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na pumalit sa ARMM o Autonomous Region in Muslim Mindanao. Pero hindi pa man umiinit ang kanilang kuyukot sa upuan, mayroon na raw grupo na hindi masaya sa hatian ng kapangyarihan.

Kamakailan lang, ginanap na ang pagsasalin ng kapangyarihan ng mga bagong opisyal ng BARMM sa pangunguna ni Moro Islamic Liberation Front chairman Murad Ebrahim, na itinalagang interim chief minister ng BTA. Kasabay nito ang pagbibitiw naman ni ARMM Regional Go­vernor Mujiv Hataman, na pinamunuan ang autonomous region mula noong 2011 nang italaga siya ni dating Pangulong Noynoy Aquino, bilang officer in charge.

Noong 2013 elections, tumakbo na si Hataman bilang regio­nal governor at nanalo. Naulit ang panalo niya noong 2016 elections. Kung walang BARMM, puwede pa sana uling tumakbong regional governor ng ARMM si Hataman sa darating na 2019 election para sa kaniyang ikatlo at huling termino, at tiyak na mananalo uli siya.

Dito naman natin hahangaan si Hataman, kahit napaaga ang pagkakaputol ng kaniyang termino bilang RG ng ARMM, buong-buo niyang sinuportahan ang pag-apruba sa panukala pa lang noon na Bangsamoro Organic Law, hanggang sa pag-apruba nito sa plebisito. Katuwiran niya, para ito sa kapakanan ng mga kababayan niya at hangad niyang magtagumpay ang BARMM.

Hindi biro ang mga reporma na ginawa ni Hataman sa ARMM sa loob ng halos walong taon niya sa puwesto. Minsan na siyang binansagan ni ex-PNOY na “ghost buster” dahil itinaboy niya ang katakot-takot na “ghost” sa ARMM; tulad ng mga ghost project, ghost transactions, ghost employees, ghost barangay, at pati mga ghost teacher. Inayos rin niya ang utang ng mga nagdaang liderato sa GSIS para mapakinabangan ng mga kawani ng ARMM ang kanilang benepisyo.

Sa termino niya at ni PNOY, nagawa ang matagal nang pinapangarap nilang Basilan Circumferential Road at Sagay-Sagay water system sa Sulu. Kung dati eh laman ng balita ang Basilan dahil sa kidnapping na ginagawa ng Abu Sayaff o sagupuan ng militar, ngayon ay napag-uusapan na ang magagandang beach sa lalawigan.

Dahil umayos ang pamumuno sa ARMM at kahit papaano ay tumahik, nagkaroon ng mga namumuhunan, dumaloy ang serbisyo sa mga tao kaya malaki ang ibinaba ng maternal at infant morta­lity rate, dumami ang nagkatrabaho, dumami ang sakop ng PhilHealth, dumami ang PhilHealth-accredited hospitals, at mula sa 0.3 percent na Gross Domestic Product ng ARMM noong 2011, naging 7.3 percent noong 2017.

Kaya sa totoo lang, tiyak na malaki ang inaasahan ng mga tao sa mga itinalaga ni Duterte sa BTA na mamumuno sa BARMM hanggang sa magkaroon ng ganap na parliamentary elections sa 2022.

Iyon nga lang, may mga ulat na may grupo mula sa Moro National Liberation Front ni da­ting ARMM Gov. Nur Misuari, na sinasabing hindi masaya sa na­ting hatian sa posisyon sa BTA. At mismong si President Mayor Duterte eh kinumpirma rin ang gusot tungkol sa hanay ng MNLF.

Alam ninyo, ang mga miyembro ng MILF ay dating mga kapanalig ng MNLF na kumalas nang maisara ang negosyong pangkapaya­paan noong termino ni dating Pangulong Fidel Ramos na naging daan sa pagkakabuo ng ARMM.

Nang maging bahagi ng gobyerno ang mga MNLF, naging rebelde at sakit ng ulo ng pamahalaan ang MILF hanggang magkaroon ng negosasyon at tigil-putukan sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo, na uma­bot kay ex-PNOY, at ngayon nga ay naisara na ang kasunduan na nagbigay daan naman sa pagkakatatag ng BARMM… pero nalusaw naman ang ARMM.

Ngayong may ugong na mayroon hindi mga happy sa BTA ng BARMM, hindi maalis ang tanong kung hanggang saan kaya ito aabot? Tandaan natin mga tsong, BTA pa lang ito o pansa­mantalang mga lider pa lang ng BARMM, paano pa kaya pagdating ng halalan at naglaban-laban sa mga puwesto ang mga miyembro ng MILF at MNLF? Aba’y ibigay na lang uli ang sibilyan ang pamumuno sa BARMM kung magkakaroon lang din ng kaguluhan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”