Bongga abante na pala sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang dalawang panukalang batas na may kinalaman sa mga rider ng motorsiklo.

Ayon sa ating impormante, inaprubahan sa ikalawang pagbasa ang House Bill (HB) No. 8322 na mag-oobliga sa mga nagmomotorsiklo na buksan ang headlight mapa-araw man o gabi.

Hindi na rin uubra batay sa panukala ang importasyon ng motorsiklo na walang ‘automatic headlight on system.’
Alinsunod sa HB 8322, ang liwanag ng headlight ay dapat nakikita hanggang sa layong 30 metro.

Isinasaad din sa panukala na ang susuway ay pagmumultahin ng P1K hanggang P2K sa unang paglabag.

Sa ikalawang paglabag naman ay P2,500 hanggang P3K.

Pero sa pangatlo, masususpinde ng isang buwan ang lisensya ng rider at pagmumultahin ng P3,500 hanggang P5K.

May multa namang P5K hanggang P10K ang mahuhuling magbebenta ng motorsiklo na walang automatic headlight on system at sususpendihin ng isang taon ang lisensya sa negosyo.

Kapag muling nahuli ay pagmumultahin ng P10K hanggang P20K at dalawang taong suspensyon.

Sa ikatlong beses na mahuli ay P50K na ang multa at limang taon ang suspensyon.

Wait there’s more dahil lusot na rin sa ikalawang pagbasa ang House Bill (HB) No. 8419 na pumupuntiryang lakihan ang plaka ng mga motorisklo.

Bukod sa lalakihan ang plaka na dapat ay nababasa nang hanggang sa distansiyang 12 metro kinakailangan na may marka rin ito kung saan nakarehistrong rehiyon.

Inaasahan na sa pamamagitan ng mas malaking plaka ay mas madaling masasawata ang mga krimen na kinasasangkutan ng mga motorsiklo. Pagmumultahin naman ang rider ng P5K sa first offense, P10K sa pangala­wa at P15K sa pangatlo kasama ang pagkansela sa lisensya sa pagmamaneho ng rider.

May multa namang P5K hanggang P20K ang magbebenta ng motorsiklo.

Kung mananakaw naman ang plaka ng motorsiklo ay dapat ding ipagbigay-alam sa kinauukulan dahil kung hindi ay may kaakibat itong multa na P5K hanggang P20K.

Sa mga mamemeke at gagamit ng ‘pekendos’ na plaka ay may katumbas ito na parusang anim hanggang 12 taon na pagkaka­bilanggo at pagmumultahin ng P50K hanggang P100K.

Wish ko lang na uma­bante ang nasabing mga lumusot na panukala hanggang sa Senado upang sa gayon ay magkaroon ito ng katuturan lalo na’t malaking tulong naman ito para madi­siplina ang ating mga kababayang rider.