Mar Roxas pokus pa rin kahit binabanatan ng Pangulo

Pokus lang si Mar Roxas sa pagsusulong ng mga programang mag-aangat ng kabuhayan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng mga panukalang batas na isusulong niya sa pagbabalik sa senado.

Si Roxas na ibinotong number one at nakakuha ng highest vote sa kasaysayan ng senado noong 2004, ay nangakong hindi masisiraan ng loob sa mga ipinaglalaban niyang katatagan ng kabuhayan ng bawat mamamayan.

“Sa kabila ng mga banat ng Pangulo sa isyung sa tingin ko ay nasagot ko na, mananatili akong matatag at haharap sa bayan. Gagawin ko ang alam kong tama, hindi ako masisiraan ng diskarte dahil ang mamamayan ang sentro ng aking laban,” sabi pa ni Roxas.

Si Roxas na isang batikang ekonomista ay kinikilala bilang father of call centers dahil sa panahon niya bilang Trade and Industry secretary nagsimula ang mga busines process outsourcing o BPO.

Halos dalawang milyong Pilipino ang nagkatrabaho dahil sa BPO at naging number one pa ang bansa sa industriyang ito dahil sa kaga­lingang makapagsalita ng Ingles ng mga mamamayan dito.

Sa pag-iikot ni Roxas sa iba’t ibang panig ng bansa, nakita niya ang pangangailangang tumutok ng gobyerno sa food production at job-generating programs upang malimitahan din ang importasyon ng pagkain at manpower.

“Kapag napalakas mo ang food productions at ang gagawa nito ay mga Pilipino, dalawa ang natumbok mong problema. Dadami na ang pagkain na magiging mura, magkakatrabaho pa ang ating mga kababayan,” sabi pa ni Roxas.