Marahas na pamamaslang sa limang miyembro ng isang pamilya

new-edison-reyes-tugis

Alam ni Dexter­ na hindi malayo sa kanilang tirahan ang mga salarin dahil kabisado ng mga ito ang kanyang tour of duty at batid ng mga ito na kapag wala doon ang kanyang motorsiklo ay tiyak na wala rin siya sa piling ng asawa’t mga anak.

Napag-alaman na nakatakda na sanang malipat sa pang-umagang pagdu-duty si Dexter sa unang araw ng Hulyo na apat na araw na lamang mula ng pasukin at pagpapatayin ang lahat ng miyembro ng kanyang pamilya.

Hindi rin maitakda ni Dexter kaagad ang li­bing ng mga mahal sa buhay dahil hinihintay pa niya ang pagdating ng kanilang mga kaanak na manggagaling pa sa Cagayan Valley at Davao City.

Bukod dito, may pang-una na ring abiso kay Dexter na nakatakdang bumisita sa labi ng kanyang pamilya ang Pangulong Rodrigo Duterte at PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa upang ipaabot ang taos-pusong pakikiramay.

Araw ng Martes, Hulyo 4, 2017 dakong alas-6:30 nang umaga o ilang oras bago duma­ting ang Pangulong Duterte sa burol ng limang miyembro ng pamilya Carlos, natagpuan ang bangkay ni Rolando Pacinos 54, alyas ‘Inggo’ na isa sa mga persons of interest at kabilang sa dalawang binanggit ni Ibañez na kasama niya sa paggawa ng karumal-dumal na krimen.

Nadiskubre ang bangkay ni Pacinos na may mga tama ng saksak sa katawan sa ilalim ng isang puno sa Palmera Drive dakong alas-6:30 nang umaga, ilang oras makaraan siyang dukutin ng mga hindi kilalang kalalakihan na pa­wang nakasuot ng bonnet.

Nakasuot lamang ng short pants si Pacinos at walang damit na pang-itaas habang may pala­tandaan na pinahirapan muna bago pinatay dahil pinutol pa ang limang daliri niya sa mga kamay.

Nakalagay din sa ibabaw ng bangkay ni Pacinos ang isang placard na may nakasulat na katagang ‘Addict at Rapist, huwag tularan’

Nang dumating ang Pangulong Duterte sa burol ng mag-iina, tiniyak niya kay Dexter na mabibigyan ng hustisya ang ginawang pagpaslang sa kanyang pamilya bagama’t hindi niya tiyak kung sa paanong pamamaraan.Basta’t ang alam aniya niya ay patay na ang isa sa mga pinaghihinalaan.

Halos maluha rin ang Pangulo nang matunghayan ang labi ng mga nasawi at lalo pang nadagdagan ang kanyang habag nang makita ang mga gamit sa eskuwela ng 11-taong gulang na si Donny at 7-taong gulang na kapatid na si Ella sa tabi ng bangkay ng mga bata.

Bago umalis ang Pangulo, tiniyak niya na mapagkakalooban ng libreng pabahay mula sa National Housing Authority (NHA) si Dexter. Nagbigay din ng abuloy na P275,000 ang Pa­ngulo at isang cellphone, kasabay ng pagbibilin na tawagan siya kung ano man ang kanyang kailangan.