Nakabiyahe na ng matiwasay ang mga accredi­ted vehicles ng Transport Network Vehicle services (TNVS) na Uber matapos na magmulta ng P190M sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sinuspinde ng LTFRB ang operasyon ng Uber dahil sa natuklasan ng ahensya ang ginawa nitong pag­labag sa kanilang kautusan noong July 26, na itigil na ang pagtanggap at pag-accredit ng mga bagong aplikasyon ng mga TNVS.

Hindi naging maganda ang impresyon ng publiko sa LTFRB sa ginawa nilang hakbang na pagmultahin lamang ang Uber at lalarga na sa kanilang operasyon ga­yong malinaw na may malaking paglabag silang ginawa.

Pero iyan ang kanilang polisiya na pagpataw ng multa kapalit ng suspensyon na ating iginagalang.

Ang sa atin lamang ay masilip din sana ng LTFRB ang uri ng mga sasak­yang tinatanggap ng Uber at Grab na kanilang partner drivers.

Hindi tayo nangmamaliit pero maraming sasakyan at drivers na accre­dited ng Uber at Grab ay hindi maaaring isabak sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.

Katulad na lamang ng isang nasakyang kotse na Kia Picanto ng ating kaibigan na partner driver ng Uber.

Ang Kia Picanto ay ibi­nibyahe ng isang lady dri­ver ayon sa kwento ng a­king kaibigan. Hindi natin minamaliit ang mga kababaihan, saludo tayo sa mga babaeng nagsusumikap na kumayod para sa kanilang pamilya.

Pero Uber naman, huwag namang lahat na lamang ng uri ng sasakyang gustong magpa-accredit sa inyo ay susunggaban ninyo.

Tingnan n’yo rin sana ang kalidad ng sasak­yan lalo na ng drivers na binibigyan ninyo ng permiso na mamasada dahil sakaling magkaaberya ay damay rin kayo.

Kaya tama lamang na magkaroon ng batas patungkol sa TNVS dahil marami talagang problema kung ating bubusisiing mabuti.

Hindi naman tamang puro kita ang inyong atupagin, tingnan n’yo rin naman ang panig ng mga pasahero na nagbabayad naman ng tama para sa maayos na serbisyo.

Hindi dapat porke bago ang sasakyan ay basta-basta n’yo na lamang tatanggapin o ia-accredit. Papaano kung hindi naman ito akmang ipasada sa malalaking kalsada bukod pa sa ang tsuper ay parang student dri­ver kung magmaneho? Sana makita ninyo ang ilang butas na ito para hindi kayo nabubutasan. Higit sa lahat ay dapat ang kaligtasan ng inyong pasahero ay laging isinasaalang-alang.