Marami pang mamamatay na drug lords

Prangkahang iniha­yag kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronal­d ‘Bato’ dela Rosa na maraming pang susunod na Chinese drug lord ang kanilang maaresto o mapapatay sa patuloy na pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga.

Tiniyak ni Dela Rosa na bagama’t inamin nitong mahirap matumbok ang mga bigtime drug lords sa bansa dahil hindi naman sila pakalat-kalat lang sa kalye kundi naglalagi sa mga high end hotel, sabungan at mga pasugalan tulad ng Casino ay mauubos din nila ang mga ito.

Sinabi ni Dela Rosa na ang pagkakapatay sa bigtime drug lord na si Mico Tan, sa engkwentro sa Valenzuela City kahapon ay nagpapakita na seryoso ang PNP kung kaya’t binalaan nito ang iba pang mga drug lord na mag-isip-isip na.

Binigyang-diin ni Dela Rosa na hindi lamang ang ugat ng drug syndicates tulad ng mga drug lord ang kanilang tatargetin kundi maging ang flower pot (paso) o mga protector at facilitator na nagbibigay daan upang malayang makapag-operate ang iligal na droga sa bansa.

Ang mga facilitator at protector ng mga drug lords ay posibleng mga tiwaling empleyado ng gobyerno o mismong komunidad.

“Mahalagang mabuwag ang mga tinaguriang facilitator at protektor ng droga dahil kahit pa napatay ang drug lords ay maari paring magpatuloy ang operasyon ng droga dahil bukas pa rin ang mga protektor at facilitator na maaring pagtaniman muli ng panibagong iligal na operasyon,” wika ni Dela Rosa.