Nagtapos na kahapon, Abril 17, 2017 ang ibinigay na deadline ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa paghahain ng income tax returns (ITR).
Ang April 17 deadline ay pinalawig na lamang ng BIR muna sa naunang target na Abril 15 dahil nataon itong Sabado de Gloria.
Wala namang naging aberya sa huling araw ng filing ng ITR sa BIR dahil ayon sa BIR, Enero pa lamang ay nagsimula na ang filing ng ITR sa iba’t ibang sangay ng tanggapan bukod pa sa online application at sa mga bangko.
Kaya naman tiwala ang BIR sa pamamagitan ni Commissioner Caesar Dulay na maaabot ang P2 trilyong target na koleksyon ngayong taon.
Umaasa tayong maabot nga ng BIR ang target collection ngayong taon upang matustusan ang mga pangangailangan ng gobyerno.
Pero sana ay palakasin pa ng BIR ang kanilang information dissemination hinggil sa pagbabayad ng buwis dahil marami pa talaga tayong mga kababayang may regular na trabaho ang hindi nagbabayad ng buwis sa paniniwalang hindi sila saklaw ng nasabing kautusan.
Kabilang sa mga ito ang mga kasambahay, drivers at iba pang empleyadong tumatanggap ng minimum na sahod.
Kaya sana pag-ibayuhin pa ng BIR ang kanilang kampanya hinggil sa tamang pagbabayad ng buwis upang maabot ang kanilang target collection ngayong taon.
Naniniwala kaming kung mayroong mga ayaw magbayad ng kanilang obligasyon sa gobyerno ay mayroon din namang magbabayad ng kanilang obligasyon, ang problema lamang ay hindi nila ito alam.
Sa isang programa sa radyo kahapon bago ang deadline ay isang opisyal ng BIR ang nanawagan sa mga employer lalo na ng mga kasambahay, drivers at iba pang minimum wage earners na gabayan ang kanilang mga tauhan sa tamang pagbabayad ng buwis.
Sang-ayon tayo sa panawagang ito ng BIR, marapat lamang na pagbayarin ang lahat ng empleyadong lagpas sa personal exemption ang taunang kita dahil obligasyon nila ito bilang mga Filipino.
Pero kung tututukan ang mga minimum wage earners sa pagbabayad ng buwis, lalo’t higit sana ang mga employers ng mga korporasyong walang takot sa pandaraya ng kanilang buwis.