Magsasagawa ng pagbusisi ang House Appropriations Committee sa paggastos ng mga ahensya ng gobyerno sa kanilang budget.
Ang hakbang ay gagawin ng House Appropriations Committee sa pangunguna ni Davao City Rep. Karlo Alexie Nograles na siyang chairman ng komite para makalikom ng pondong gugugulin sa implementasyon sa batas sa Free College Education.
Bilang bahagi ng plano ay babawasan ang 2018 budget ng mga ahensyang hindi naman nauubos ang nakalaang pondo para sa kanilang tanggapan.
Saludo tayo sa hakbanging ito ng Kamara upang magkaroon ng sapat na pondo ang gobyerno para sa batas sa libreng edukasyon.
Pero kasabay sana ng ginagawang pagbusisi ng Kamara sa sistema ng paggastos ng mga ahensya ng gobyerno ay magboluntaryo na ang mga tanggapang sobra-sobra ang pondo.
Sumama na rin ang mga tanggapang ng gobyerno na gumagastos sa walang kapararakang mga programa at proyekto katulad ng out-of-town seminars o conference.
Matatandaang nauna nang ipinagbawal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdaraos ng seminar o conference sa malalayong lugar ng mga local government units at maging ang Department of Education (DepEd).
Ang mga ganitong klaseng mga programa o proyekto ay dapat na itinitigil dahil pag-aaksaya lamang ito sa pondo ng bayan.
Maaari namang magsagawa ng seminar sa kanilang mga lokalidad para nakakamenos ang gobyerno bukod pa sa nakakabawas din ng pagod sa mga dadalo sa seminars o kahalintulad na kumperensiya.
Sakaling matanggal ang ganitong mga aktibidad ay tiyak na malaki ang magagawa nitong tulong sa implementasyon ng free tuition fee sa mga state universities and colleges at iba pang mga eskwelahan saklaw ng nasabing bagong pinirmahang batas ni Pangulong Duterte.