Maraming dapat ipaliwanag ang LTFRB

Sa mismong bibig ni dating Land Transportation and Franchi­sing Board and Regulatory (LTFRB) Board Member Atty. Ariel Inton nanggaling ang mga katagang kaya natatagalan ang pagpapalabas ng aplikasyon sa prangkisa ng ilang public utility vehicles (PUV) ay dahil sa mabagal na pag-apruba ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na siyang nakatoka sa nasabing trabaho.

Malinaw lamang na ibig sabihin ng paliwanag na ito ni Inton sa isang panayam sa kanya kahapon sa isang istasyon sa radyo na wala sa kamay ng LTFRB ang pag-apruba ng mga aplikasyon sa prangkisa ng mga taxi, UV express, bus at iba pang public transportation.

Hindi man direkta pero tila pagbabato ng sisi sa DOTC ang nangyari kaya maraming apli­kasyon sa prangkisa ang natengga.

Nakakagulat ang pahayag na ito ng datin­g opisyal ng LTFRB na napaso lamang ang serbisyo sa LTFRB nitong katapusan ng Hul­yo dahil hindi ito alam ng karamihan lalo na ng mga operator ng mga PUV.

Isang kaibigan ang aking nakausap na matin­di ang ngitngit sa LTFRB dahil sa napaka­bagal na prosesong ipinatutupad sa pag-apruba ng mga aplikasyon sa renewal ng prangkisa.

Taon daw ang hinintay niya para lamang aprubahan ang kanyang aplikasyon sa renewal ng prangkisa.

Pero matapos kong marinig ang paliwanag ni Atty. Inton ay nagkaroon ng linaw ang lahat.

Nakita ko ang rason para hindi dapat magalit ang mga taong nakiki­pagtransaksyon sa LTFR­B dahil hindi naman pala ang LTFRB ang nag-aapruba ng mga aplikasyon sa prangkisa kundi ang DOTC.

Kanya nga lamang ang problema sa LTFRB ay hindi sila nagbibigay ng klarong paliwanag kundi pababalik-balikin ka lamang sa kanilang tanggapan hanggang sa maubos ang pasensiya mo at isuko mo na ang laban sa kung anumang papeles ang iyong pinoproseso.

Hindi ito tama, hindi tama ang nakagisnang kalakaran sa LTFR­B dahil taliwas ito sa isinusulong ng gobyernong Duterte na pagpapabilis ng proseso sa gobyerno.

Kaya dapat isa ang LTFRB sa dapat makalampag dahil ang tagal-tagal nang problema ng tanggapang ito pero tila walang pagbabagong nangyayari kahit sino ang mamuno.