Naging palabigasan ni Tim Cone ang Triangle Offense sa bulto ng kanyang tatlong dekadang career.
Inimbento ni Tex Winter at pinerpekto ni NBA coach Phil Jackson sa Chicago Bulls, naging pinakamasugid na disipulo ng opensa ang PBA bench tactian.
Sinubukan niyang gamitin sa Alaska hanggang nalipat sa Purefoods, ngayon ay sumusulpot pa rin ang ulo ng Triangle sa Ginebra.
Ang pundasyon ng 22 championship sa PBA na kinapalooban ng dalawang grand slam, nakabaon sa Triangle.
Sa sobrang hirap, marami sa kanyang players noon ang nangangayaw sa sistema.
Gusto na ngang magpa-trade ni Marc Pingris noon mula San Mig Coffee/B-Meg. At si Jojo Lastimosa, ayaw noong una sa Triangle sa Alaska.
Pero hindi ang dalawang grand slam teams niya sa Aces (1996) at Purefoods (2014) ang tingin ni Cone ang nakaperkpekto sa Triangle.
‘Yun ang 1997-98 Aces noong bagong dating sa squad si Kenneth Duremdes.
“The team that probably runs it best was not the grand slam team,” pagbubuyag ni Cone nang magsalita sa coaching webinar ng Hoop Coaches International na suportado ng Blackwater, sa pangunguna ni Elite alternate governor Ariel Vanguardia.
“It was the team in 1998 that really run it to a T.”
Swak agad si Duremdes sa Triangle, swak sa rotation nina Johnny Abarrientos, Jolas at Bong Hawkins. Kampeon agad sila sa Governors Cup ng taong ‘yun.
Sa sumunod na season, tinuhog ng Aces ang korona ng Philippine at Commissioner’s Cups. Hindi nakumpleto ang pangalawang grand slam ng team dahil tinawag si Cone para magmando sa 1998 Centennial Team sa Bangkok Asian Games, kasama sa koponan sina Johnny A, Jolas at Duremdes.
Nangulelat ang Aces sa season-ending conference na ‘yun. (Vladi Eduarte)