Maraming isinusulong na batas para sa seguridad ng commuters

Bernard Taguinod For the Record

Maraming batas ang ginagawa ng Kongreso para maisaayos ang kalsada at mapangalagaan ang seguridad ng mga commuters lalo na sa mga public utility vehicles (PUVs).

Isa na rin ang pag-oobliga sa mga PUVs na kinabi­bilangan ng mga taxi, pampasaherong jeep, bus, utility vehicle express, school bus na maglagay ng CCTV at GPS sa kanilang sasakyan.

Kaya nabuo ang panukalang ito dahil sa mga sunod-sunod na holdapan sa mga pampasaherong bus at jeeps sa mga nakaraang mga panahon kung saan may mga buhay ang nawala at hindi nakilala at naparusahan ang mga holdaper.

Ang nakakairita lamang, may mga lider kuno ng mga drivers at operators ang agad na umalma sa pa­nukala matapos itong pumasa sa Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso sa ikatlong pagbasa.

Wala pang kasiguraduhan na ito ay maging batas dahil hindi pa nagagawa ng Senado ang kanilang hiwalay na bersyon pero inaalmahan agad ng ilang transport group gayung ang layon ng batas na ito ay para rin sa kanila at sa kanilang mga pasahero.

Kesyo dagdag na gastos lang ito sa mga operators at baka nakawin lang daw kapag naglagay sila ng CCTV at GPS sa kanilang sasakyan at kung ano-ano pang mga kadahilanan.

Talagang nanakawin ang CCTV at GPS kung ang garahe n’yo eh sa kalsada tulad ng ginawa ng karamihan sa mga pampasaherong jeep. Hindi ba puwedeng sumunod na lang muna para din naman ‘yan sa kapa­kanan ng mga pasahero mga drivers niyo?

***

Bilang isa sa mga nakapila sa mga government agencies tulad ng Land Transportation Office (LTO) para kumuha ng driver’s lisence, hindi totoo na sa loob ng 5 minuto ay tapos na ang proseso.

Tulad na lamang nang kumuha ng kanyang lisensya si Transportation Secretary Arthur Tugade na sa loob lamang yata ng 5 minuto ay nakuha na niya ang kanyang lisensya na hindi papel tulad ng hawak namin ngayon.

Siyempre mabilis kapag government officials at may media na kasama pero sa mga ordinaryong tao tulad ko ay maiksi na ang isang oras sa pila, bago ka mapiktyuran para sa iyong ID.

Siyempre first come first serve at sa dami ng aplikante, tambak ang papel sa isang window bago maipasa sa ibang window at sa bayaran pa lamang ay medyo matagal na kapag wala silang panukli.

Kaya ano ang sinasabi nila na sa loob lang ng 5 minuto may lisensya ka na? Hindi yan totoo. Ginawa na rin ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino ang dramang iyan para maipakita na efficient na ang LTO pero sa mga tulad lang nila efficient at hindi sa mga ordinaryong mamamayan.

Lalo pang tatagal ang papel mo kapag may ilang tao na may nag-aassist sa kanila na hindi mo alam kung fixer o taga loob din ng LTO kaya ikaw na ordinaryong tax payer, tiis ka.

Kaya puwede ba, itigil na ang mga ganyang drama dahil wala namang katotohanan yan.

Hindi lang naman isa kundi libu-libo ang sineserbisyuhan ng mga ahensya. Kung mag-isa lang siguro tama sila. (dpa_btaguinod@yahoo.com)