Maraming katanungan sa new normal

SOBRANG laki nang pagbabago ang dadanasin ng ating mga kababayan sa mga susunod na buwan kapag ipinapatupad na ang tinatawag na new normal.

Unang-una ang pagsakay sa LRT at MRT ay malaki ang magiging kabawasan dahil ang isang bagon na dating may lulan na 1,100 katao ay magiging 100 plus na lamang ang maisasakay isang biyahe.

Halos isang libo ang nawala at hindi naman maaaring pumila ang mga pasaherong ‘yan sa loob ng istasyon ng tren kaya tiyak na sobrang pila ang idudulot sa mga kalsada lalo pa at may physical distancing na.

Hindi pa rin natitiyak kung magiging epektibo ang sistema sa pagbabalik ng bus at pampasaherong jeep dahil wala pang aprubadong sistema na puwedeng ipatupad para sa mga pasahero.

May mga isinumiteng disenyo na kailangang lagyan ng plastic ang bawat pagitan ng upuan ngunit walang katiyakan kung masusunod ito sa rush hour dahil sa sobrang titigas ng ulo ng ilan sa ating mga kababayan.

Dahil sa kakaunting laman ng bus o jeepney ay tiyak dadami ang hindi agad makakasakay kaya posibleng hatinggabi na ay may mga kababayan pa rin tayong hindi agad makakauwi.

Ganoon din sa operasyon ng LRT at MRT na kailangang bilisan ang biyahe o kaya magdagdag ng maraming bagon para makapagbigay ng mabilis na serbisyo sa mga tao na hindi nagkakahawaan.

Maging ang mga restaurant at food house na nagsipagsara na dahil sa COVID-19 ay tiyak na malaki rin ang pagbabagong kanilang kakaharapin dahil sa physical distancing na paiiralin.

Ang mga kainan na may kapasidad na 100 katao ay tiyak na nasa 50 pababa na lamang ang puwedeng papasukin at kailangang magdagdag sila ng sukat ng lamesa para sa isang metrong distansiya bawat customer.

Maging ang mga comfort room para sa kalalakihan ay dapat na lakihan ang espasyo para sa isang metrong layo bawat isa para hindi dikit-dikit na umiihi o kaya ay hahaba ang pila sa labas kung hindi nila aayusin.

Kung sa motorsiklo ay hindi pinapayagan ang mag-angkas kahit pa mag-asawa ito, paano na kaya ang mga drive-in hotel o motel industry na nabubuhay dahil sa short time.

Alam naman natin na mataas na porsiyento ng customer sa mga motel ay mga nagmamahalan na nais ipadama ang pagkasabik nila sa isa’t-isa ngunit hindi lahat ‘yan ay mag-asawa.

Karaniwan ay magkasintahan, magkalaguyo at kung may mag-asawa man ay tiyak na nagdiriwang lamang ng anibersaryo o mahalagang araw para sa mag-asawa.

Paano kaya sila makakabalik sa operasyon ng kanilang negosyo kung mahigpit na ipatutupad ng physical distancing.

Ganito rin ang kinakaharap ng ating mga Guest Relation Officer (GRO) sa mga night club na ang tanging puhunan ay makipagkuwentuhan sa kanilang parokyano buong magdamag habang umiinom.

Tiyak na tuluyan nang magsasara ang mga night club dahil wala nang pupuntang parokyano dahil bawal na ang tsansing, kissing at iba pa puwedeng gawin sa loob ng isang night club.

Napakarami pa ng mga katanungan sa pagpasok natin sa tinatawag na new normal kaya dapat lahat ay maging handa at maging maingat habang naghihinatay tayo ng bakuna laban sa COVID-19.