Maraming mababago sa showbiz dahil sa COVID

Isa sa mga susunod na araw o buwan ay magsisimula na ang tinatawag na “new normal” sa mundo ng showbiz, partikular na sa sistema ng trabaho sa pelikula at telebisyon.

Kahit ang iba sa mga kapwa ko artista ay kaya pa namang masuportahan ang kanilang pamumuhay mula sa mga naipon sa trabaho, kailangan na rin bumalik para kumayod ang mas maliit na manggagawa.

Isang malaking challenge sa entertainment industry ang paraang “safety measures” sa panahon ngayon para masiguro ang kaligtasan ng bawat isa sa COVID 19.

Base sa aking paniniwala at maari rin naman akong mag-suggest, tama lang naman ang direktiba ng gobyernong limitahan ang dami ng taong gagawa sa produksyon ng taping para sa telebisyon at shooting sa pelikula.

Ang mga bali-balitang ila-lockdown ang mga artista sa gagawin nilang taping sa isang malayong studio, sa labas ng syudad, sa loob ng dalawa o tatlong linggo o isang buwan ay isang mabisang paraan para maiwasan ang pagkakahawa ng bawat isa sa virus.

Uulitin lang ang lockdown nitong nakaraang pandemic, pero sa pagkakataong ito sa trabaho namin, sa location shoot ng proyekto.
Walang uwian hangga’t hindi natatapos ang kukunang serye o episode.

Naiisip ko ring bago pasimulan ang taping o papasukin ang bubuo ng produksyon (artista, staff o crew) kailangang sumailalim muna sa COVID testing para malaman kung capable o COVID19 free ang sasalang sa trabaho, at bawat araw o matapos ang ikalawang araw muling uulitin ang testing, nang sagayon ay malaman in day to day basis kung may virus na nagmamanifest na sa isang trabahador.

Malaking challenge ito sa writers at direktor, kung paano gagawin ang mga eksenang sa gitna nang social distancing.

Paano rin gagawin ang isang eksena na kailangan ng maraming tao, lalo na isang aksyon na walang involved na maraming artista (lead man, support at bit players).

Pero kung nakasisiguro naman ang lahat na malinaw na wala silang symptoms ng virus, maaaring gawin ang mga eksenang tinatawag na “personal”, gaya nang hawakan o yakapan, o magkakalapit sa isa’t-isa.
Hindi ko na kailangang sabihin pa ang mga PPEs dahil alam naman nating hindi ito mawawala sa work place lalo sa showbiz.

Dahil alam kong babalik na ako sa pagti-taping ng isang TV project, ang pinag-aalala ko lang ay mawawalay ako ng matagal sa aking anak na si Amanda.

Mula nang nagkaanak ako, hindi ko iniwan nang matagal ang baby ko. Magiging parusa para sa akin kung hindi ko sya makikita at makakasama ng dalawa o tatlong buwan.

Sana lang may signal sa location nang taping namin para makita at makausap ko ang anak ko kahit sa video chat man lamang.

Kung ako ang tatanungin kung nai-excite ba ako o natatakot sa balik-taping namin..ang naiisip ko lang, kailangan ko nang magtrabaho, dahil iba rin naman ang kinikita namin sa paga-artista kaysa sa pastries business ko.

Umaasa at ipagdarasal ko na lang na sana madali kaming makapag-adjust sa ganitong trabaho at lahat kami ay safe na makabalik sa aming mga pami-pamilya o mahal sa buhay.

Ipagdasal rin natin ang lahat nang mga babalik na sa kani-kanilang mga trabaho, sa upisina, sa site o sa mga lugar na high-risk na mahawahan sila ng virus.

Ipanalangin nating sila’y laging ligtas sa lahat ng kapahamakan at lalo na sa corona virus na ito.

Ang kaligtasan ng iba sa COVID 19 ay kaligtasan nating lahat.