KINUMPIRMA ng 7-foot-1 athlete na si Kai Sotto na maraming nanliligaw sa kanya mula pa ibang bansa, kasunod ito nang napabalita noong nakaraang taon na interesado ang European ball club na Real Madrid.

Matapos bigong madepensahan ng Ateneo ang trono sa UAAP Season 81 juniors kontra NU-Nazareth School, 64-53, sa Game 2, inilahad ni Kai na hindi pa niya napag-iisipan ang susunod na hakbang sa kanyang basketball career.

“Hindi ko pa alam. Pati ako ‘di ko pa alam kasi focus muna ako na tapusin itong academic school year na ito,” ayon kay Sotto na hinirang bilang UAAP 81 Juniors MVP.

Sa naging pagsalang nito sa FIBA U16 at 17, hindi kaila na maraming international scouts ang napanganga sa angking galing ng top Pinoy prospect patunay ang pagkakasama ng kanyang pangalan sa Top 5 ng mga atleta sa FIBA U18.

“Maraming mga offers talaga. Iba-iba eh. Hindi ko masabi lahat kasi tatay ko ang nakakaalam. Sinasabi na lang nila sa akin kapag malapit na,” kuwento ni Kai, pinapatungkulan ang kanyang ama na si Ervin Sotto na da­ting naglaro sa PBA.

Ngunit nilinaw ng binansagang ‘The Kaiju’ na hindi muna niya iniisip ang tungkol sa basketball at pagtutuunan muna ng pansin ang kanyang pag-aaral.

Sunod na masasaksihan ang binata sa international stage sa 2019 FIBA U19 World Cup kung saan makakaharap ng Pilipinas ang mga bigating koponan ng host Greece, Argentina at Russia na magsisimula sa June 29.