Maraming pekeng plaka

Mabuti naman at nabig­yang pansin sa Kongreso ang naglipanang paggamit ng mga pekeng plaka ng mga sasakyan para makalibre sa huli sa batas-trapiko.

Si PBA Rep. Jericho Rosales ay nabahala sa ganitong kalakaran kaya naman inalarma niya ang Philippine Nationa­l Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) at Land Transportation O­ffice (LTO) upang gumawa ng karampatang aksyon laban sa mga abusadong mga motorista.

Nabigyang-pansin ng mambabatas ang usaping ito dahil siya mismo umano ay nakasaksi sa convoy ng mga sasakyang may sirena at blinkers na gamit ang temporary car plates na “FOR REGISTRATION/DIPLOMATIC/­ UN SPECIALIZED AGENCY GIDIFA”.

Dahil sa paggamit ng sirena at blinker ay salto agad ang motoristang ito dahil ito ay paglabag sa Section 34 ng RA 4136 o ng Land Transportation and Traffic Code.
Ang paggamit ng blinker, sirena at pekeng plaka ay paglabag sa Presidential Decree (PD) No. 96 at Republic Act (RA) 4136 na nagsasaad na bawal ang paggamit ng sirena, horns, whistles o anumang uri ng gadget na lumilikha ng ingay kabilang ang flashing devices sa motor vehicles.

Matagal nang may gumagawa ng ganitong klaseng kalokohan na mga motorista para makalu­sot sa masikip na daloy ng trapiko.

Kaya malaking hamon­ sa powers ng LTO at PNP-HPG ang kalakarang ito. Aba’y ang tagal nang umaabuso ang mga ganitong klaseng motorist­a pero hindi pa rin sila naaawat.

Ang pangangalampag­ na ito ng kongresista ang maging simula sana para mawala na sa kalsada ang mga maangas na mga ­motoristang gumagamit ng kung anu-anong klaseng plaka malusutan lamang ang mga traffi­c violations at higit sa lahat ay ang masikip na daloy ng trapiko.