Maraming pera

Nais ko lang itanong ang aking pana­ginip. Napanaginipan ko po na may babaeng nakaluhod sa harap ng aking asawa at nag-aabot ng pera. Nakalagay daw ang pera po sa isang malapad na lalagyan at madaming bulsa. Lahat po ng bulsa ay may mga pera at puro papel, hindi mga barya.

Ang pera ay sumisimbolo sa power, kontrol, kumpiyansa sa sarili, career at magagandang oportunidad. Ang pera ay isang popular na panaginip para sa kabataan dahil ang pagkakaroon ng maraming pera ang kanilang madalas na prayoridad at pinapangarap ng nakararami.

Ang pera sa panaginip ay sumisimbolo rin sa tagumpay at maging sa kontrol mo sa buhay o sa impluwensya mo sa ibang tao. Kung ito ang pagbabasehan, kung mas madaming pera ang nakita mo sa panaginip, nirerepresenta nito ang kumpiyansa mo sa buhay. Positibo ang iyong pananaw at indikasyon ito na sa aktuwal na buhay ay marami kang opsyon.

Ang mga perang napanaginip mo ay hindi rin aktuwal na nagpapakitang ganun din karami ang pera mo dahil kadalasan hindi ito tungkol mismo sa pera sa halip ay mas maikokonek kung paano mo hina-handle ang buhay. Ipinapaalala ng iyong subconscious na nakakaranas ka ng kasaganaan na puwedeng hindi sa materyal na bagay tulad ng pera kundi sa ibang mga biyaya sa buhay. Maaring maganda ang iyong career at marami kang nakikitang posibilidad, maaaring meron kang negosyo na nagiging maayos ang takbo at iba pang uri ng blessings.

Kung maghahanap ka naman ng negatibong aspeto ng iyong panaginip, puwede rin namang ikonek ito sa iyong pag-aalala sa financial security ninyong mag-asawa. Nakita mong may isang taong nagbibigay ng maraming pera sa iyong mister kaya puwedeng nagha­hangad kang marami ngang biyayang dumating sa inyong mag-asawa.

Ang panaginip tungkol sa mga buong pera o papel na pera ay isang positibong panaginip. Ipagpasalamat ang mga biyaya ng buhay na maituturing nating kayamanan tulad ng magandang kalusugan, maayos na pamilya, magandang trabaho at maayos na buhay. Ang lahat ng ito’y dapat ipagpasalamat dahil daig pa ng mga biyayang ito ang pagkaroon ng maraming pera.

***
DISCLAIMER: Ang DREAM CAT­CHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.