Alam ba ninyong kaya sobra ang traffic iyan ay dahil sobra-sobra na ang dami ng pampublikong sasakyan mali­ban pa sa sobrang dami­ na rin ng private vehicles?

Kung inaakala ninyo na kulang ang bumi­byaheng public transportation kaya mara­ming pasaherong walang masakyan lalo na kapag rush hour, nagkakamali kayo.

Ang kulang ay ang mabilis na pagbabalik sa ruta ng pampasa­herong sasakyan dahil naiipit sila ng matinding trapik kaya naiipon ang maraming pasaherong nag-aabang. Kung nakakaikot lang agad ang mga bus, jeepney at maging ang mga UV express ay madali nilang mapi-pick-up at maihahatid ang kanilang mga pasahero. Mas malaki pa ang kanilang kikitain sa maghapon.

***

Mabuti naman at maglalabas na raw ng guidelines ang Department of Transportation (DOTr) at ang Land Transportation Franchising and Regulatory­ Board (LTFRB) para sa ipatutupad nilang mo­dernisasyon sa mga public utility vehicles (PUVs).

Para maiwasan din ang sobrang dami ng PUVs na bumibiyahe, hihingan ng transport plans ang mga LGU para malaman kung gaano lang talaga karami­ ang kinakailangang PUVs sa kanilang lugar ang mga rutang kailangang aprubahan.

Maglalabas ng guidelines ang DOTr sa ilalim ng planong modernization ng mga Public Utility Vehicle. Nais din umano ng DOTr at LTFRB na gawing swelduhan na lamang ang mga tsuper at may karampatang benepisyo gaya ng isang empleyado.

Ayon sa DOTr, sa ganitong paraan, hindi­ na kailangang magmaneho ng mga driver­ ng jeep ng higit sa walong oras at hindi na rin nila kailangang magkipag-agawan o mag-unahan sa pasahero.

Sinabi ng DOTr na sakop din ng modernization program na ito ang mga bus, UV express at iba pang pampublikong sasakyan.