Maraming salamat Global PNoyweb Radio

aksyon-kaye-box Kaye Dacer

Isa na namang blessing ang ating tinanggap at ito ay ang parangal na ipinagkaloob sa inyong lingkod ng prestihiyosong Global PNoyweb Radio.

Kinilala po ng ­Global PNoyweb Radio ang ating kontribusyon sa lara­ngan ng radyo o broadcast kaya tayo ay kanilang ginawaran ng “2017 Lifetime Achievement Award” bilang “Outstanding Radio Personality”.

Muli ay nagpapasa­lamat ako sa lahat ng nasa likod ng Global PNoyweb Radio, salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Siyempre nais kong ibahagi ang karangalang ito sa lahat ng mga sumusuporta at naniniwala sa aking misyon na magpatuloy sa paghahatid ng serbisyo publiko sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng inilunsad nating Aksyon Center kaagapay ang 8-Tri-Media.

***

Isang liham na mula sa ating mambabasang OFW ang nais kong ibahagi sa pagkakataong ito:

Ma’am Kaye, ako po ay tagasubaybay ninyo sa inyong programa sa radyo at dito po sa inyo sa Abante Tonite. Nandito po ako ngayon sa Jeddah. Ako po ay nakikinig sa inyo sa internet at nababasa ko rin ang inyong mga sinusulat sa internet online. Ma’am Kaye, tama po ang mga raket ng ilang mga recruitment agencies na nabanggit n’yo sa inyong artikulo.

Ako po ay nabiktima na din ng isang recruitment agency sa atin sa Pilipinas noong una po akong nagtrabaho sa Jordan. Dalawang beses po akong pinapirma ng kontrata. Una po ay sa loob ng opisina ng recruitment agency ko sa Pilipinas at pangalawa po ay bago ako lumipad patungong Jordan na blangko po ang aking pinirmahan.

Kinukuwes­tyon ko po bakit blangko pero wala na po akong panahon noon dahil ako po ay kailangan nang mag-check in para sa aking biyahe papuntang Jordan. Hanggang sa eroplano po ay aking iniisip kung ano ang ­aking pi­nirmahan na blangko hanggang sa nadiskubre ko po na tungkol sa aking sasahurin ang aking napirmahan na iba po sa napirmahan ko sa Pilipinas na wala naman po akong kopya kaya napakahirap po sa akin na maghabol pa.

Ang napirmahan ko po ay ako ay sasahod ng ‘di kukulang sa 30 thousand pesos kada buwan ngunit ang binibigay lang po na sahod sa akin sa Jordan ay nagkakahalaga lamang ng 15 thousand at may bayad pa po ang aking tinitirhan, kaya ang akin lamang pong naipapadala sa aking pamilya kada buwan ay nasa 6 thousand pesos lang po. Ganoon po ang ibang ahensya, Ma’am. Saksakan ng dupang at talaga naman pong manloloko. Sana nga po ay gawin ng POEA ang suhestyon n’yo na bago makaalis ang isang ni-recruit ng isang ahensya ay mismong sa airport ay mayroon nang pwedeng tumulong sa kanila.

Hirap lang po kasi lalo na sa mga first timer ay ‘di po nila alam ang kanilang gagawin kaya hirap na po silang magreklamo kagaya po ng ginawa sa akin noong una ko pong biyahe bilang OFW. Ma’am, marami pa pong pahirap ang ginagawa ng ilang ahensya na sana po ay mapasara na ng POEA. Kawawa po kaming mga OFW. Salamat po at talaga pong ako ay isa sa inyong masugid na supporter. God bless po.

Antonio H.
Jeddah, KSA