Magiging paspasan umano ang konstruksyon ng maraming infrastructure projects para gumawa ng maraming lansa­ngan, tulay, subway at riles ng tren para mapabilis na daloy ng transportasyon para marating ang iba’t ibang lalawigan ng bansa.

Ito ang pangako ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanilang tutuparin sa loob ng anim na taon. Tinawag nila itong “Golden Age of Infrastructure” na paglalaanan ng pondong 7 tril­yong piso.

Ang paksang ito ay tatalakayin sa Infrastructure Congress and Expo­ Philippines (ICEP) na magsisimula ngayong araw, Mayo 3-5, 2017 na idinaraos sa World Trade Center.

Naimbita ang inyong lingkod para maging moderator sa gaganaping panel discussion.

Sa mga nakalinyang infrastructure projects ng administrasyong Duterte para mapabilis ang go­vernment spending at ang paglago ng ekonomiya ng bansa, tinukoy nina Transportation Secretary Arthur Tugade, Public Works Secretary Mark Villar, Socio Economic Planning Secretary Ernesto Pernia at Bases Conversion and Development Authority (BCDA) Chairman Vince Dizon ang malalaking infrastructure projects na gustong ipatupad sa loob ng anim na taon.

Solusyon din daw ito sa kakulangan ng trabaho, pagpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin at mas mabilis na transportasyon.

Ayon kay Secretary Villar, target ng gobyerno na itaas sa 5-7% ng Gross Domestic Product ang infrastructure spending ng gobyerno mula sa ave­rage na 2.2% sa mga nakalipas na administrasyon.

Ang ‘battlecry’ na susundin ng gobyerno ay “build, build, build,” ibig sabihin ay hindi hihinto ang pagtatayo ng infrastructure projects 24 by 7 para gawin ang railways, urban mass transport, airports, seaports, mga tulay at kalsada at mas magagandang mga lungsod o green cities.

Ilan sa malalaking proyekto ang tulay na magdurugtong sa Iloilo, Guimaras, Negros at Cebu; Manila Clark railway project, Mindanao Railway, Regional Airport Development, Ro-ro port development at ang Clark Green City.

Tiniyak ng mga kalihim ang transparency ng mga proyekto ng pamahalaan dahil gusto anila ni Pangulong Duterte ang malinis na gobyerno.

Sinabi nilang ipatutupad nila ang ‘freedom of information portal’ at dito ilalabas ng gobyerno ang lahat ng transaksyon ng gobyerno mula sa mga kasunduan hanggang sa pondong ginastos sa mga proyekto.

Bagama’t sinasabing ‘ambitious projects’ na matatawag ang mga pla­nong pagawaing-bayan,­ umaasa tayo na maisakatuparan ito basta’t huwag lamang mabahiran ng talamak na katiwalian sa pamahalaan.