Para sa mga nature lovers at adventurers ‘swak’ sa inyo ang Mararison o Malalison (Pasaway) Island na itinuturing na ‘gem’ ng Culasi, Antique dahil puno ito ng surprises at wonders.
Habang papatawid ka pa lamang sakay ng motorboat, mula sa mainland patungo sa isla ay malinaw mong makikita sa ilalim ang mga halamang dagat, isda, sea urchins, at iba pang laman-dagat mula sa napakalinaw na tubig ng karagatan nito.
Perfect panoramic view
Pagdating mo sa isla ay mapa-wow ka sa panoramic view nang nakapalibot na
kabundukan, karagatan, at bughaw na kalangitan… Matatanaw mula dito ang Mt. Madja-as, ang pinakamataas na bundok sa Panay Island.
Mararamdaman mo ang simpleng pamumuhay ng mga residente at primitiveness ng lugar lalo’t limitado lamang ang oras ng kuryente na nagbubukas alas-sais hanggang alas-10:00 ng gabi kaya tahimik sa lugar dahil wala kang maririnig na malakas na music at television.
Ang tanging maririnig mo ay ang ingay ng mga tao na nagkukuwentuhan at ng mga

dumarating na motorboats na naghahatid ng mga lokal na pasahero at turista.
Ito ay bagay din sa mga gustong mag-reduce, mag-alis ng toxins at pollution sa katawan dala ng ingay at pollution mula sa maunlad na mga siyudad.
Kasi sa isla walang transportasyon, maglalakad ka sa may isang metrong lapad na kalsada para ikutin ang may 55 hektaryang isla na tiyak na papawisan ka. Masarap din ditong magmuni-muni.
Trekking sa hills at mini cave

Maaari mo itong ikutin sa loob ng dalawang oras kasama na ang trekking sa mga hills, pagpunta sa kanilang mini cave, paglalakad sa white sandbar kung saan masarap mag photo ops. Higit sa lahat ang magtampisaw sa napakalinis na tubig ng karagatan. Maaari ka ring mag-starfish hunting at snorkeling.
Lalo mong mae-enjoy ang trekking lalo na kung maaakyat mo ang tuktok ng mga hills.
Tiyak na mamamangha ka sa ganda sa loob ng lugar. Makikita mo ang pitcher plants, kakaibang damo na kung tag-ulan ay makikita mong green subalit kung summer ay parang yellowish ang kulay.

Kakaiba ang mararamdaman ‘pag narating ang pinakatuktok ng bundok, masasabi mo “Nasa heaven na ba ako?”
Napakaganda ng tanawin sa tuktok ng bundok dahil sa mga nakapalibot na bundok, kulay blue na karagatan at blue sky, isang perfect panoramic view.
Maganda ring manood ng sunset at sunrise. Hindi mo maipaliwanag ang iyong kasiyahan. Masarap din mag-wedding proposal sa tuktok ng bundok. Kakaiba ‘di ba?

Makikita mo rin ang kalapit na Nablag Islet na maaari mong marating kung low tide sa pamamagitan ng paglalakad.
Kaya sa mga turista, kung maligaw kayo sa Western Visayas, o kaya’y sa Boracay, maaari kayong mag-side trip sa Malalison Island upang tuklasin ang itinatagong ganda, mga lihim, at katangian ng isla.
Paano pumunta sa Mararison
Mula Kalibo, Aklan, maaari kang sumakay ng bus o van na patungong Antique-Iloilo at

bumaba kayo sa malapit sa Culasi Port. Kung sa Caticlan Airport ka naman dumaan, maaari kang mag-hire ng van o meron ding Ceres Bus na biyaheng Antique-Iloilo.
Mula Culasi Port, puwede ring umarkila ng motorboat, P750 per biyahe o P1,500 round trip kasama na ang pag-ikot sa buong isla. P20 terminal fee at P10 Environmental Fee. Ang biyahe ay tatagal ng 15-20 minuto
Saan ka mananatili sa Malalison Island?
Kung gusto mong mag-overnight, maraming matutuluyan dito, karamihan homestay, P250/day bawat isa, para sa mga uwian meron din silang mga cottages, P500.
Trekking Guide–P250 sa grupo na 5-7 miyembro.
Pagkain

Puwede kayong magdala ng inyong sariling pagkain at maaari kayong magluto sa mga titirahan o maaari kayong mamili ng sariwang isda na huli ng mga lokal na mangingisda.
Halika na dumayo na tayo sa Mararison Island at tuklasin ang itinatagong ganda, wonders, at lihim nito.
Paalala sa mga turista/bisita: Bawal ang plastic sa isla at maging sa mainland ng Antique.