UMABOT daw ng P3.5M ang nalikom na pondo sa nakaraang Awit sa Marawi concert ng mga singing soldiers and policemen na ginanap sa AFP Theater nu’ng August 13.
Marami ang sumuporta sa concert na ito na binuo ni Joel Cruz kaya nakalikom sila ng ganu’n kalaking halaga.
Dinagdagan pala ito ni Joel ng P1M kaya naka-P4.5M sila na ipamimigay ito sa mga biktima ng giyera sa Marawi.
Sa ngayon ay nasa proseso sila sa pag-aayos at pakikipag-coordinate sa AFP dahil masusi nila itong pinag-aaralan na dapat mapunta sa tamang beneficiaries.
Ayon kay Joel, medyo kumplikado ang iba dahil may ilang fallen soldiers na dala-dalawa ang asawa, kaya pinag-aaralan pa nila itong mabuti.
Hindi lang daw mga pamilya ng fallen soldiers sa Marawi ang bibigyan nila ng tulong kundi pati injured soldiers, at ang iba ay iyung tinatawag nilang ‘honorable discharged’ kasi hindi na sila makakabalik sa serbisyo bilang sundalo dahil sa kanilang kapansanan sanhi ng giyera.
Meron daw isang project ang Kapuso Foundation na kung saan may ilang sundalo na naputulan ng paa o kamay, meron daw silang puwedeng ikabit na artifical arm o foot na robotics daw.
Iyun ang isa pang inaayos nina Joel na puwede nilang bigyan ng pondo.
Pati mga bakwit ng giyera sa Marawi ay bibigyan din daw nila ng tulong, pero idadaan pa muna nila ito sa DSWD.
Kaya medyo maurirat at maraming pagdadaanan bago nila maiparating ang tulong mula sa concert for a cause na iyun.
Proud din ang singer na si Token Lizares na naging bahagi siya nitong concert dahil matagal na niyang gustong makapagbigay ng tulong.
Meron na naman siyang album ngayon na ilu-launch, ang Till The World Is Gone ng Ivory Records.
Kapag maganda ang resulta nitong album niya, balak niyang magdagdag ng tulong sa mga naapektuhan nang husto sa giyera sa Marawi.