Umakyat na sa 105 ang bilang ng mga sundalo at pulis ang nasasawi sa patuloy na sagupaan laban sa mga miyembro ng teroristang grupong Maute sa Marawi City.
Sa latest update ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kahapon, sa ika-61 araw na walang patid na giyera sa lungsod, idinagdag sa huling bilang sa casualties ang namatay na isang miyembro ng Light Reaction Force ng Philippine Army nitong Biyernes (Hulyo 21, 2017).
Nasa 428 naman na bilang sa panig ng mga terorista ang napaslang ng security forces habang 45 ang sibilyan na nasawi at 1,723 bilang ng mga nasasagip na sibilyan ng militar at pulisya na naipit sa loob ng warzone.
Nakapagtala rin ang AFP ng kabuuang bilang na 526 uri ng matataas na armas na narerekober mula sa napapaslang na terorista.
Samantala, nakaipon ang Armed Forces ng salapi na nagkakahalaga ng P9,678,433.23 bilang cash donations na kanilang nakukuha mula sa iba’t ibang organisasyon at mga taong nais tumulong sa mga pamilyang labis na naapektuhan sa Marawi siege.