Kinansela ang biyahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Camp Ranaw sa Marawi City dahil sa sama ng panahon dulot ng namumuong low pressure area (LPA) sa Mindanao.
Ala-una-y-medya ng hapon dapat kanina ang inaasahang pagdating ng Pangulo sa Marawi.
Pupulungin sana nito ang mga sundalo na nakikipagbakbakan sa Maute terror group.
Pero ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, hindi na tumuloy ang Pangulo dahil sa masamang lagay ng panahon.
Sa abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), isang LPA na nasa layong 315 kilometro sa Silangan ng Surigao City ang dahilan ng masamang panahon sa ka-Mindanaoan.
“The weather is bad; raining with poor visibility,” nakasaad sa mensaheng ipinadala ni Lorenzana sa media.