Masuwerte ang Filipino singer na si Marcelito Pomoy dahil siya ang lumalabas na paborito ng mga hurado at ng studio audience ng tumatakbong “America’s Got Talent: The Champions”. Ang apat na judge ng “AGT: The Champions” ay binubuo nina Simon Cowell, Howie Mandel, Haidi Klum at Alesha Dixon.

Last Monday, pumasok na ang “Pilipinas Got Talent” season 2 grand winner sa grand finals at dito ngayon malalaman kung siya pa rin ang papaboran hindi lamang ng mga judges at studio audience kundi maging ng mga text votes.

Ang nakakatuwa kay Marcelito ay marunong na itong mag-Ingles ngayon. Mukhang hindi na kailangan ng interpreter although nariyan parati ang kanyang misis na si Joan Paraiso to help him out kung kinakailangan.

Inamin ng isa sa mga hurado na si Howie na si Marcelito ang bet niya para manalo sa grand finals.

Kung mai-impluwensyahan ng mga judges ang viewers ng “AGT: The Champions”, tiyak na si Marcelito ang mananalo sa grand finals.

Pinag-uusapan ngayon kung ano ang gagawin ni Marcelito sa finals. Pagbibiro niya ay baka mag-tumbling na lang siya habang kumakanta.

May tanong din sa Facebook kung totoo raw ba na “We Are The World” ang kakantahin niya na may 20 boses?

Asia’s Multimedia Star ilusyon si Bea

Agad nag-viral ang picture at video na kuha kina Bea Alonzo at Alden Richards na nakitang magkasama sa check-in counter ng Philippine Airlines sa airport ng Bangkok, Thailand.

Wala pang nagsasalita kung anong proyekto ang pinagsasamahan nila.

Kung matatandaan pa, very vocal si Alden sa pagsasabing gusto niyang makatrabaho sa isang movie project si Bea. Personal niya itong nasabi sa aktres nang minsan silang magkasabay sa isang domestic flight.

Bukas ang Kapuso prized actor na muling gumawa ng proyekto sa Star Cinema, ang film arm ng Kapamilya network.