Feel na feel ang Pinoy pride sa magandang balitang hatid nina Marcelito Pomoy at grupong SB19.

Masayang inanunsiyo ni Pomoy na nakatakda siyang lumaban sa “America’s Got Talent: The Champions” na eere sa Enero 6, 2020.

“Guys, this is it. Ito na ‘yung pagkakataong hinihintay ko. So please abangan niyo po ako,” post ni Pomoy sa Instagram.

Umaasa ng suporta ang singer. “Piling-pili po ang nakakalaban dito. Kung kaya sa tulong at suporta niyo, lalo’t higit sa inyong dasal, nawa’y tayo ay makapag-perform hanggang sa huli,” aniya pa.

Patuloy namang nag-iingay sa music scene maging sa ibang bansa ang SB19. Nitong Miyerkoles lamang ay nakuha ng SB19 ang 6th spot sa Billboard’s Next Big Sound chart.

Ayon sa Billboard site, ang chart na ito ay para sa mga “fastest accelerating artists during the past week, across all major social music sites, statistically predicted to achieve future success.”

Sobrang ikinatuwa ito ng mga fans ng grupo kung kaya’t nag-trending ang hashtag #SB19onBillboardNBS sa Twitter.

Ang SB19 na mina-manage ng Korean entertainment company ay binubuo nina Sejun, Stell, Ken, Josh at Justin. (Jun Lopez)