Tuloy ang ayuda ng PBA sa mga local government units na nangangailangan ng personal protective equipment para sa frontliners na sumasagupa sa coronavirus disease 2019 pandemic.

Pagkatapos ng Pasig, isinunod ng liga ang Antipolo sa Rizal at ang Binan sa Laguna na mabigyan ng face masks, gloves at iba pang protective gears.

Sinabi commissioner Willie Marcial na mas marami pang donasyon ang ipapaabot ng PBA sa mga susunod na araw, kabilang sa mga nakalinyang ayudahan ang Pasay sa ilalim ni mayor Imelda Calixto at ang Talisay sa Batangas.

Ayon kay Marcial, nag-request ang frontliner ng Batangas na si Michelle Padilla ng protective gears para sa medical workers sa Talisay Health Center and Birthing Home.

Nakipag-koordinasyon ang PBA kay Antipolo mayor Andrea Ynares, at kina Biñan City Congresswoman Len Alonte at vice mayor Angelo Alonte para maiparating ang donasyon.

Isinulong ng buong Board, sa pangunguna ni chairman Ricky Vargas at sa pakikipagtulungan ng Gilette Philippines, ang pamimigay ng protective supplies.

Regular hosts ng PBA games ang tatlong lungsod sa pamamagitan ng PhilSports Arena sa Pasig, Ynares Center sa Antipolo at Alonte Sports Arena sa Biñan.

Unang inihayag ni Marcial ang hakbang ng Board of Governors na mag-donate ng P1M halaga ng PPE sa health care system ng bansa.

Nasa listahan din ng liga na ayudahan ang Veterans Hospital, National Center for Mental Health, at Batangas Provincial Hospital.

Bago ang PPE donations, binalikat ng liga ang pangangailangan ng PBA game-day personnel na nawalan ng pagkakakitaan sapul nang magkaroon ng Luzon-wide enhanced community lockdown noong Marso 17. (Vladi Eduarte)