Marcial: Maisasalba ang one conference

Nananatiling positibo si Philippine Basketball Association commissioner Wilfrido ‘Willie’ Marcial na makapagdaraos ang PBA Season 45 ng kahit isang conference, matapos ang mga kaganapan sa iba’t ibang panig ng mundo, kagaya ng sports activities sa Taiwan at South Korea, at planong pagpapatuloy ng mga liga sa United States at Europe.

“A handful of NBA teams are opening practice facilities, and it could well lead to resumption of the NBA season. Major League Baseball is looking at reopening shop in July. Football in Europe is about to resume. All these make me hopeful we can resume our Season 45,” pahayag kahapon ng opisyal.

Sinang-aynun ng pro league honcho ang desisyon ng gobyerno na maging estrikto pa rin sa maraming bahagi ng bansa dahil pa rin sa COVID-19 pandemic, “it’s the right thing to do.”

Tiwala si Marcial na mapapanipis ang kurba ng pamahalaan, at pagkaraa’y papayagan na ang pagpapatuloy sa mga aktibidad sa sports, kabilang PBA Philippine Cup 2020 na nakansela noong Marso 11 dahil sa global outbreak.

“The board decision is to wait until August. Medyo matagal pa yon. Hopefully, by that time, medyo okay na, and allowed na ang gathering for a sports event, like the PBA,” hirit niya.

Inaprubahan ni President Rodrigo Duterte sa parehas na araw (Martes) ang mungkahing isailalim ang Metro Manila, Laguna Province at Cebu City sa modified enhanced community quarantine hanggang May 31.

Sa ilalim ng bagong lockdown, magiging mahigpit pa rin sa pagpapalabas ng mga tao sa mga bahay sa kondisyong bibili lang ng pagkain, mga pangunahing pangangailangan at kung emergency. Kailangan ding naka-face mask palagi pa rin at sumunod sa social distancing.

“I’m kind of expected that kasi marami pa rin cases of infection. I’m also endorsing wearing facemask and social distancing. It’s the new normal or new life for us until there’s a vaccine,” wakas ni Marcial. (Ramil Cruz)