Marcial namigay ng medical supply sa Pasig

Pasig ang napili ng PBA na bibigyan ng donation na personal protective equipment para sa frontliners na sumasagupa sa coronavirus disease 2019 pandemic.

Ilalaan ang PPEs sa frontliners ng Pasig City Children’s Hospital, Pasig City General Hospital at Rizal Medical Center.

Si vice mayor Iyo Bernardo ang tumanggap ng PPEs mula sa PBA Office buhat sa staff ni Commissioner Willie Marcial.

“Salamat po sa pagkakataaong makatulong, Pasig City,” tweet ng PBA.

Nagpaabot din ang liga ng pasasalamat sa Alaska, Ginebra, Blackwater, Columbian Dyip, Magnolia, Meralco, NLEX, NorthPort, Phoenix, Rain or Shine, TNT at San Miguel Beermen, at sa Gilette.

Hindi pa sigurado kung itutuloy ang mga laro ng PBA, sinabi ni Marcial noon na titignan muna ang sitwasyon ng bansa sa COVID-19 pagkatapos ng enhanced community quarantine sa April 30.

Malaki ang posibilidad na kung matuloy ay gawing two-conference na lang ang season 45, puwede pang isa na lang.

Nakakaisang laro pa lang sa season, sa opening night noong March 8. Makalipas ang tatlong araw ay kinansela na ang Philippine Cup. (Vladi Eduarte)