Marcial pasado sa PBA board

Pasado sa PBA Board ang pagtimon ni Willie Marcial sa liga.

Naupo bilang commissioner noong umpisa ng 2017-18 season nang mawala si Chito Narvasa, pinakalma at pinagkaisa ni Marcial ang Board na papunta na noon sa pagkakawatak-watak.

Pinag-isa niya ang governors at naibalik ang maayos na paglalayag ng PBA.

May isang taon pa sa kanyang unang three-year term, binigyan si Marcial ng panibagong tatlong taon pa ulit. Isa ito sa napagkasunduan ng Board sa annual planning nila sa Rosa Grand Milan sa Italy.

Sa pangatlong taon niya bilang Commissioner,­ ilulunsad ni Marcial ang marquee programs niya sa ilalim ng Triple H o Hustle, Heart and Hype.

“Itutuloy natin yung reach out program sa less fortunate, pati yung CSR (Corporate Social Responsibility) including Home Court ,” aniya.

Sa ilalim ng Home Court, sorpresang bumibisita ang players at league officials sa barangay street courts para makihalubilo sa fans. (VE)