Eksklusibo naming nakapanayam ang “Los Bastardos” star na si Marco Gumabao tungkol sa pagpayag niya na mag-pose sa isang magazine. Naka-highlight ang kanyang androgynous look.

Hindi kasi pangkaraniwan sa isang hunk na pinagpapantasyahan ng mga babae at bakla ang makita siyang naka-eye shadow, blush on, kuntodo makeup at may dangling earrings pa sa isang pictorial.

Katunayan, may ilang netizens ang nawerduhan sa kanyang look at ang iba naman ay nabawasan ang pantasya lalo pa’t sanay silang makita ang actor na hunk na hunk ang imahen.

Matatandaang umani rin ito ng kantiyaw mula sa kanyang mga kakilala bagama’t ang iba naman ay bumilib sa kanyang katapangan na ipakita ang kanyang feminine side.

“First of all, the Young Star never really told kung para saan iyong shoot. They just showed me the peg and ginawa ko. So ako, I found, okey siyang gawin. It’s a fun thing to do, so ginawa ko,” paliwanag niya.

Wala rin daw siyang keber sa iisipin ng mga tao sa kanyang sekswalidad dahil sa baklang-bakla niyang hitsura sa photoshoot.

“Ako, I don’t really care what other people think about me. Basta ako, I’m confident with my sexuality, and not because you do a shoot like that… Actually, it’s just a shoot. It’s an editorial shoot, so whatever they gave me, I’ll be professional about it. Gagawin ko kung ano ang gusto nilang gawin. It’s not about ‘yung sexuality ko naman, walang ganoon,” hirit niya.

Hindi rin daw signal iyon bilang paghahanda sa pagtanggap ng mga gender-bending roles, bagama’t wala naman siyang inhibitions to do gay characters.

“We’ll see. I’m not closing doors. Will see in the future. Depende sa ibibigay,” pagtatapos niya.

Si Marco ay gumaganap na Matteo, ang black sheep sa mga anak ni Don Roman Cardinal (Ronaldo Valdez) sa toprating Kapamilya teleseryeng “Los Bastardos” na nalalapit na ang pagwawakas. (Archie Liao)