Kung nanahimik na lamang kasi ang mga Marcoses at hindi na humirit pang mahimlay sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos ay wala tayong isyung pinagtatalunan.
Dahil walang isyung pinagtatalunan ay makakatutok ang lahat, lalo na ang mga opisyal ng ating pamahalaan sa mahahalang usaping maghahatid ng kapakinabangan sa bawat mamamayang Filipino hindi katulad ng usaping iyan sa pagpapalibing kay FM sa Libingan ng mga Bayani.
Aba’y sayang ang inuubos na oras at panahon ng mga pulitiko, lalo na ang mga mambabatas na nagbabalitaktakan sa isyu ng pagpapalibing kay FM sa Libingan ng mga Bayani.
Sa halip na gamitin ng mga mambabatas at ng iba pang pulitiko ang kanilang oras sa pagtalakay sa mga isyung malapit sa bituka ng bawat mamamayang Filipino ay naaagawan ito ng atensyon ng isyu sa muling pagbuhay sa paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ang sa akin, ngayong nakikita na ng mga Marcoses na halos mahati na naman ang bansa sa isyu ng pagpapalibing sa diktaduryang dating Pangulo ay dapat na sila na mismo ang umatras dahil mahirap para kay Pangulong Rodrigo Duterte na baliin ang kanyang naging pangako sa mga Marcoses lalo na’t aminado itong isa lamang si Ilocos Gov. Imee Marcos sa dalawang gobernador na sumuporta sa kanya noong panahon ng kampanya.
Pero kung nakikita naman ng mga Marcoses na naiipit na si Pangulong Duterte na kanilang binitbit sa katatapos na eleksyon ay sila dapat ang magkusa. Sila na ang dapat na umatras dahil maganda naman na ang idinudulot ng bangkay ni Marcos sa Ilocos.
Lumobo nang todo ang kanilang turismo at batid nating malaki ang kontribusyon dito ng presensya ni FM sa Ilocos.
Kaya sa ganitong aspeto na lamang sana tingnan ng mga Marcoses ang mga pangyayari dahil talagang marami ang kontra na mailibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani bunsod ng napakaraming kadahilanan.
Ang sa akin, sa pagkakataong ito sana naman ay magsakripisyo na ang mga naulila ni Marcos dahil sa kabila ng napakaraming pagkakasala ni Marcos sa bayan ay kinikilala pa rin ang kanilang angkan sa ating lipunan bukod pa sa nabigyan pa nga sila ng pagkakataong maluklok na muli sa iba’t ibang puwesto sa ating gobyerno.