Marcos, iba pang bulok na pulis nakakahawa sa PNP — Win

Kung pananatilihin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto at bigyan pa ng promosyon si Supt. Marvin Marcos sampu ng kasamahan nitong pulis na dawit sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, nagbabala ang isang senador na hindi malayong mahawa ng mga bulok na pulis ang ­malaking bahagi ng Philippine National ­Police (PNP).

Sinabi ito ni Sen. Sherwin ‘Win’ Gatchalian kasunod ng pahayag ni Pangulong Duterte na hindi lang pardon ang ibibigay niya sa mga pulis na sumunod sa kanyang utos, kundi ibabalik din niya ito sa trabaho at bibigyan pa ng promosyon.

Si Marcos at ang 18 pulis mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nakapatay kay Espinosa sa loob ng kulungan ng Baybay, Leyte noong Nobyembre 5, 2016 matapos na manlaban umano ito sa paghahain ng search warrant ng pulisya.

Subalit sa isinagawang imbestigasyon ng Senate committee on public ­order and dangerous drugs, lumitaw na planado ang pagpatay kay Espinosa dahil sa alam nitong nakinabang sa drug money ng kanyang anak na si Kerwin ang ilang opisyal ng CIDG-Region 8.

Ayon kay Gatchalian, hindi dapat binibigyan ng promosyon ang mga “bulok” na pulis kundi tinatanggal dapat ito sa puwesto dahil nakakahawa ang kanilang kabulukan kung mananatili sa PNP.

“Dito sa kaso ni Espinosa, nag-hearing tayo sa Senate. Napakinggan natin ‘yung motibo. Talagang nagsisinungaling ang mga ito,” ani Gatchalian sa isang programa ng himpilang DwIZ.