Binuweltahan ni Senador Imee Marcos si Finance Secretary Carlos `Sonny’ Dominguez III kaugnay sa hindi umano nito pagsasabi ng totoo na hindi kailan man nakapag-export o nakapag-suplay ng bigas ang Pilipinas noong panahon ng 70s sa mga karatig bansa nito sa Asya.
Ayon kay Marcos, naging self-sufficient ang Pilipinas sa rice production at patunay ang pae-export na umaabot sa 89,000 metriko toneladang bigas noong 1977 hanggang 1978 sa ilalim ng programang Masagana 99.
“Wawa naman si Lolo Sonny, nag-uulyanin na yata? Ang linaw ng data, kaya nga nagtataka ako bakit ayaw tanggapin ni Sonny ang katotohanang nakapag export tayo ng bigas dahil na rin sa Masagana 99 at `yan ay dahil sa sipag na rin ng mga magsasaka natin!” paliwanag ni Marcos.
Sabi ng senadora, ang paninising ginagawa ni Dominguez sa mga magsasaka nang ipatupad ang Masagana 99 program ay nakababahala lalo na ngayong nalalalapit ang panahon ng pagtatanim sa mga bukirin.
“Ano bang tulong sa next planting season ang magagawa ni Sonny sa mga magsasaka? Ang mahirap kasi, puro paninisi ang ginagawa niya sa mga magsasaka na hindi nakababayad ng kanilang mga utang. May COVID-19 na nga, ganito pa ang maririnig mo kay Sonny,” galit na pahayag ni Marcos.
“Sana mahiya naman siya. Hindi ko alam kung meron amnesia o nagsisinungaling si Sonny,” sabi ni Marcos.
Panawagan pa ni Marcos kay Dominguez, maging parehas at alisin na ang galit nito, at kilalanin ang mga naging ambag ng Masagana 99 lalo na ang mga magsasakang nagsumikap para umunlad ang kanilang buhay.
Nag-ugat ang banggaan nina Marcos at Dominguez sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole kung saan iminungkahi ni Marcos sa kalihim na buhayin ang Masagana 99, isang programa ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos, para masiguro na aabot sa buong bansa ang tulong na binibigay ng gobyerno.
“During Masagana 99 in the ’70s, there was a very effective use of commercial banks, rural banks, and even cooperative banks and I believe that scheme would truly work,” ani Marcos.
Subalit kinontra ito ni Dominguez at sinabing nagresulta ang Masagana 99 sa pagbagsak ng 800 rural bank sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
Inihayag ni Dominguez, na naging agriculture secretary ni dating Pangulong Corazon Aquino, siya pa umano ang naglinis noon sa problemang iniwan ng nasabing programa.
“There were about 800 rural banks that were bankrupted by that program and we had to rescue them, so whether it was a total success or not, has to be measured against that,” ani Dominguez. (Dindo Matining)