Ibinalik ng Malacañang kay Rappler chief executive officer Maria Ressa ang pahayag nito na ang administrasyon ang nagpapakalat ng kasinungalingan para atakehin ang mga kalaban ng gobyerno.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na si Ressa at ilang kasamahan nito ang gumagawa ng kasinungalingan at bumabaligtad ng mga impormasyon para pasamain ang gobyerno.

Isang halimbawa aniya ay ang inilabas ng Rappler na nag-iba na ito ng tono sa ‘Oust Duterte plot’ matrix na inilabas nito na tumutukoy sa ilang taga-media na nagpaplano umanong ibagsak si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Panelo na malinaw na ang kampo ni Ressa ang nagpapakalat ng maling impormasyon dahil hindi naman niya binago ang pahayag kung kanino nanggaling ang matrix.

“Baligtad yata Maria. Eh kayo ‘yun eh. Kayo ‘yung spreading lies and twisting statements, gaya nga ‘yung article ng change of tune, galing na naman sa Rappler ‘yun. Sinasabi na hindi ko raw alam ang source. Very clear na binago niya ang ibig sabihin,” ani Panelo.

Binigyang-diin ng kalihim na ang punto ng Malacañang sa inilabas na matrix ay para ipabatid sa publiko na may mga kritikong nagpaplano para ibagsak ang administrasyon ni Pangulong Duterte sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga maling impormasyon.

Batay sa inilabas na matrix ni Panelo, nakasaad dito ang pangalan ng ilang mamamahayag na kasabwat diumano sa plano para ibagsak ang administrasyong Duterte. (Aileen Taliping)