Marianne ‘babae’ ni FPJ

Ni Aster A. Amoyo

Kung ang mga millennial ang tatanungin ngayon, hindi na nila kilala kung sino si Marianne de la Riva na nagtataglay ng napakagandang mukha sa showbiz.

Ang yumaong kilalang Filipino fashion designer na si Pitoy Moreno ang naka-diskubre kay Marianne sa edad na 16. Ginawa niya itong fashion model. Nang makilala siya sa fashion world, kinuha rin siyang print model ng ilang produkto noon. Ang kanyang pagiging modelo ang kanyang naging daan para mapasok niya ang larangan ng showbiz.

Taong 1973 nang siya’y maging leading-lady ni Victor Laurel sa pelikulang “Love Song” na dinirek ni Zenaida Amador mula sa story ni Celia Diaz-Laurel.

At that time, si Marian ay kinonsider na ‘One of Manila’s Five Prettiest’ dahil sa kanyang napakaganda at napakaamong mukha.

Taong 1974 nang siya’y kuning leading-lady ni Ramon Revilla, Sr. sa pelikulang “Ibilanggo si…Cavite Boy”. The following year in 1975 ay kinuha naman siya ng movie king na si Fernando Poe, Jr. bilang kapareha sa pelikulang “Ang Leon at ang Daga” kung saan din tampok ang ‘Child Wonder’ noon na si Niño Muhlach. Muli siyang kinuha ni FPJ bilang leading-lady sa “Tutubing Kalabaw, Tutubing Karayom” in 1977 kung saan kasama pa rin ang child superstar na si Niño. Magmula noon ay naging paborito na siyang leading lady ni FPJ sa iba pa niyang mga pelikula at kasama na rito ang kanyang classic hit movie na “Panday” in 1984, “Isang Bala Ka lang” 1 & 2 in 1983 at iba pa.

Bukod kina FPJ at Ramon Revilla, Sr., naging in-demand din siyang leading lady ng ibang action stars noong dekada sitenta hanggang 1990s tulad nina Dante Varona sa pelikulang “Carding Estrabel” noong 1980, Rey Malonzo sa “Kumander .45” noong 1987, Lito Lapid’s “Zigomar” noong 1984, Rudy Fernandez sa “Anak ng Tondo” noong 1985, Phillip Salvador in “Delima Gang” in 1989, Anthony Alonzo sa “Irampa si Mediavilla” noong 1990, Eddie Garcia sa “Mayor Latigo” noong 1991 at marami pang iba.

Taong 1977 nang gawin ni Marianne ang kanyang kauna-unahang teleserye, ang “Gulong ng Palad” na tumagal sa ere nang walong taon mula 1977 to 1985. Ito bale ang longest-running and top-rating TV series noon ng BBC or Banahaw Broadcasting Corporation sin Broadcast City, Quezon City.

Si Marianne ay hindi lamang naging paboritong leading lady ng mga action stars noong dekada sitenta at otsenta kundi naging paborito rin siyang cover girl ng mga komiks, magazines at maging ng mga fashion magazines.

***

Hiwalay kay Ronald Corveau

Si Marianne ang gumanap sa papel ni Luisa habang si Ronald Corveau naman sa papel ni Carding. Habang si Romnick Sarmenta naman ang batang si Peping, si Caridad Sanchez bilang si Nanay Idad at ang yumaong si Augusto Victa bilang si Tatay Tomas. Ang “Gulong ng Palad” ang unang TV series ng bata pa noong si Romnick Sarmenta.

Ang matagal na pagsasama nina Marianne at Ronald sa “Gulong ng Palad” ang naging daan ng kanilang relasyon na nauwi sa kanilang pagpapakasal. Nagkaroon sila ng dalawang anak na parehong babae. Pero pagkalipas ng ilang taon, nauwi sa hiwalayan ang pagsasama ng mag-asawa. Nagkaroon si Marianne ng ibang karelasyon at may pagkakataon pang naging controversial ito.

Tuluyan lamang nanahimik ang buhay ni Marianne nang ito’y mangibang bansa sa Amerika.

Naroon ang kanyang dalawang anak sa kanyang ex-husband na si Ronald.

***

Nagpakasal sa doktor

In New Jersey, USA habang dinadalaw ni Marianne ang kanyang mga anak ay ipinakilala siya ng dating actress na si Edna Diaz (na doon din naka-base with her family) sa isang kaibigang Filipino doctor na binata, si Dr. Oscar Ortiz. Nagkaroon ng attraction ang dalawa na nauwi rin sa kanilang pagpapakasal.

Palibhasa’y walang anak sina Marianne at Dr. Ortiz, sobrang napamahal sa second husband ni Marianne ang dalawa niyang anak. Pati ang mga apo ni Marianne ay trinato na ring sariling mga apo ni Dr. Ortiz.

Masaya, maganda at payapa ang buhay ngayon ni Marianne sa Amerika sa piling ni Dr. Ortiz. Since pareho na silang senior citizen, ginugugol nila ang kanilang bakanteng oras sa pamamasyal sa ibang lugar particularly in Florida, USA. Doon sila may nabiling property.

Hindi ikinakaila ni Marianne who is now in her mid-60s na may mga pagkakataon na nami-miss niya ang showbiz at pag-arte. Pero hindi niya umano ito kayang ipagpalit sa masaya at mapayapa niyang buhay ngayon sa piling ng kanyang mapagmahal na asawang si Dr. Oscar Ortiz, ng kanyang dalawang anak na pareho nang may mga pamilya at maging ang kanilang apat na apo.