Mariano pumutok sa Barangay Ginebra

Dati ay bihirang magamit si Aljon Mariano sa Ginebra, pero kapag tinatawag ni coach Tim Cone ang pangalan ay laging handang mag-deliver.

Lalo ngayong tadtad ng injury ang Gin Kings, 10 lang ang nasa rotation ni Cone.

Linggo nang gabi, nababad ng 33 minutes ang 6-foot-3 small forward at rumesponde ng career high-tying 20 points mula sa perpektong 7 for 7 field goal shooting, may 7 rebounds at tig-2 assists at steals.

Mahalagang piyesa si Mariano sa 110-102 panalo kontra San Miguel na nag-angat sa Gins sa 4-1 sa PBA Go­vernors’ Cup, sa likod ng Blackwater (4-0) at Phoenix (5-1). Laglag sa 2-2 ang Beermen.

“Sinabi sa amin ni coach na kaila­ngan makapondo kami ng panalo para pagbalik ng mga key players namin, sana nasa magandang position kami going to the playoffs,” anang 26-anyos na produkto ng UST.

Wala sina Greg Slaughter (left ankle), Japeth Aguilar (right calf), Sol Mercado (knee), Jervy Cruz (foot), Art dela Cruz (Achilles) at rookie Julian Sargent (shoulder) sa Ginebra. Nakabalik na sa lineup si Raymond Aguilar pero hindi ginamit kontra SMB.

Si Joe Devance na galing din injury ay nakadalang laro na pero hindi pa 100 percent. Kumayod pa rin ng 17 points at 7 assists si JDV laban sa Beermen.

Sinamantala ni Mariano ang minuto at pagkakataon na binigay sa kanya ng coach para tulungan ang team.

“Aljon stepped up big time, defending, rebounding, finishing on the fast break. Really played well,” papuri ni Cone sa kanyang 16th pick overall noong 2015 draft. “We see him do that in practice every day and I’m glad the fans finally got a chance to see it.”

May 8 points si Mariano sa fourth, pang-ayuda sa tig-10 nina Devance at Justin Brownlee sa period nang kumalas ang Gins.