Mariano, Taguiwalo, titigbakin din kaya ng CA?

punto-de-oro-box Gani Oro

Kabado ngayon ang mga tagasuporta nina Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Rafael ‘Ka Paeng’ Maria­no at Department of Social Welfare Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo.

Lalo raw kasing lumiit ang tsansa ng dalawang cabinet secretaries na kumpirmahin ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang kanilang appointments bilang kalihim ng DAR at DSWD.

Tumpak mga kamed­yo! Ito’y matapos kumpirmahin ni Pangulong Rodrigo Duterte na umiral ang kapangyarihan ng ‘lobby money’ ng mga big time mining companies kaya’t ibinasura ng CA ang pagkakatalaga ni Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Si Lopez ang ikalawa sa miyembro ng gabinete ni Duterte na naging ‘casualty’ ng CA kasunod ni dating Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Perfecto Yasay.

Kahit pumalag at todo-tanggi pa ang ilang miyembro ng CA sa alegasyong ‘lobby money talks’ ni Digong, mas marami ang naniniwala sa pangulo dahil dati rin itong kongresista at kabisado niya ang kalakaran sa Kongreso.

Samantala, sa kaso ni Mariano ay mas matitindi pa raw ang oppositors ng kanyang pagiging kalihim ng DAR na kinabibilangan ng mga malalaking komprador, landlords at mga hasyendero na kinakatawan mismo ng karamihan sa mga mambabatas.

Kaya’t kung totoong ‘lobby money talks’ ang paiiralin sa pagboto ng CA, namimiligrong matigpas din ang kumpirmasyon ni Mariano. Namimiligro rin ang kumpirmasyon ni Taguiwalo bilang kalihim ng DSWD kahit umani pa ito ng simpatiya sa matalinong pagsagot sa confirmation hearing nu’ng Miyerkules at sa ‘offensive joke’ ni Sen. Tito Sotto kaugnay sa pagiging ‘single parent’ nito.

Mismong mga mambabatas na matatakaw sa pork ang salungat daw kasi sa kanyang appointment. Ayaw kasing pumayag ng kalihim na gawing ‘informal pork barrel’ ng mga pulitiko ang pondo ng DSWD kabilang na ang P79B conditional cash transfer (CCT) fund.

Nais ng mga kongresista na paraanin sa kanila ang pamamahagi ng CCT fund para raw sa kanilang mga nasasakupang botante. Bunsod nito, nanganganib daw na ma­ging pangatlo at pang-apat na miyembro ng gabinete sina Mariano at Taguiwalo sa pupugutan ng ulo ng mga berdugo sa CA.