Sikat na trio noong 80’s ang Underage girls na sina Maricel Soriano, Dina Bonnevie at Snooky Serna. Marami silang hit movies na magkakasama maging solo sa kani-kanilang mga pelikula.

At ngayon, makalipas ang mahigit 30 taon ay muling magkasama sina Snooky at Dina sa pelikulang The Significant Other kung saan gaganap si Snooky bilang ina ni Erich Gonzales at si Dina naman ay ina ni Lovi Poe.

Huling nagkasama sina Snooky at Dina noong 1985 sa pelikulang Ride On Baby kasama si Maricel at sina Tito (Sotto), Vic (Sotto) at Joey (de Leon).

“Tapos ngayon na lang, reunion na,” patungkol ni Snooky sa pagsasama nilang muli ni Dina.

Kung nagkataon sanang kasama rin si Maricel sa The Significant Other ay kumpleto sana ang reunion nilang tatlo.

“Nami-miss na namin siya,” saad ni Snooky.

Tinanong namin ang aktres kung may anumang komunikasyon ba sila ni Maricel.

“Wala, I don’t have any communication at all,” ang tila malungkot na pahayag ni Snooky.

Ayon pa sa kanya…

“I try to get in touch with her kaya lang masyadong busy yata sa personal life niya ang ating kapatid, she wants to be private, so I respect her.”

Hiningan namin si Snooky ng mensahe para kay Maricel.

“Bumalik ka na sa industriya, kailangan ka namin at tsaka kausapin mo naman ako dahil love na love kita na walang halong showbiz. But if you are still enjoying your privacy I respect that.

“I just wish you happiness and good health and stay beautiful,” saad ni Snooky na napapanood regularly sa The One That Got Away.

Ang The Significant Other ay sa direksyon ni Joel Lamangan at palabas na sa mga sinehan ngayong araw, mula sa Cineko Films at Star Cinema. Leading man nina Lovi at Erich sa pelikula si Tom Rodriguez.