Sinimulan na ng Marikina City government ang localized testing laboratory ng lungsod matapos ma-accredit ang kanilang testing laboratory ng Department of Health.
Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro sa panayam ng DZMM, ang screening para sa mga residente nito na may novel coronavirus ay libreng ipagkakaloob.
Magiging prayoridad umano ng lungsod ang mga residente nito na may sintomas at exposure na nagdadala ng sakit gayundin ang mga frontliner, medical worker at at lokal na opisyal na namamahala sa paghahatid ng cash aid, sabi ni Teodoro.
Maaari rin umanong makagamit ang mga kalapit bayan at siyudad sa Marikina na libre kung sila ang magpo-provide ng sarili nilang test kits.
Ang makina ng lab ay maaaring magproseso ng 98 na mga specimen bawat dalawa hanggang tatlong oras.
Puwedeng tumawag ang mga residente ng Marikina sa hotline 161 upang komunsulta sa mga doktor ng lungsod, na magdedesisyon kung kinakailangan silang kuhanan ng sample. (Riz Dominguez)