Nakuha ng Maritime Industry Authority (Marina) ang “Best Regional Identification Document” award sa ginanap na High Security Printing (HSP) sa Asia Conference sa Hanoi, Vietnam.

Ang naturang development para sa Seafarer Identity Document (SID) project ay ipatutupad sa susunod na taon.

Tinalo umano ng Marina ang anim na lumahok tulad ng Hong Kong ID, bagong Taiwan e-Passport, bagong Thailand e-Passport, Afghanistan ID, at iba pa.

Nabatid na nilikha ang SID project bilang pagsunod sa standards ng International Labor Organization (ILO) Convention No. 185 o ang Seafarers’ Identity Documents Convention 2003 na inamyendahan sa pangkalahatan ang SID na nagkakaloob ng mabilis na pagsasaayos ng mga Filipino seafa­rers ng kanilang shore leave, cross border, transfer, at repatriation.

Gayundin, ang SID ang magpupuno sa umiiral na Seaman’s Identity and Records Book (SIRB), na renewable kada limang taon.

Lahat ng Filipino seafarers sa 34 na bansa ang magbibenepisyo sa SID.

Bibigyang-prayoridad ng Marina para sa aplikasyon sa SID ang overseas Filipino seafarers pero maging ang mga lokal na seafarers ay makaka-avail rin ng SID.

Nabatid na si Atty. Maria Rowena Hubilla, Director of the Marina Manpower Development Service (MDS), ang tumanggap ng award para sa ahensiya.