PAGKA-shock ang kaisa-isang emosyong naramdanan ng mga kababayan natin sa naganap na gulo sa pagitan ng magkakapatid na Barretto sa mismong burol ng kanilang amang si Daddy Mike.
Sa isang mahalagang pagkikita-kita sana nila bilang pagbibigay-pugay sa pinakahuling sandali sa namayapang poste ng kanilang pamilya ay hindi ganu’n ang naganap.
Ano ba ang spelling ng respeto? Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging edukado? Alam daw kaya nila ang tamang pakahulugan sa breeding?
Sa mismong lamay ng kanilang ama ay may nagsigawan, may nanghablot ng buhok, may nagmura nang nagmura at umaalingawngaw ang mga pasosyal na termino.
Walang nakapagpigil ng galit sa magkakapatid, galit na galit si Marjorie kay Gretchen, halos isumpa naman ang aktres ang kanyang kapatid na kung tawagin niya ay magaling lang kapag may kailangan.
Hindi na nila nirespeto ang bangkay ng kanilang ama ay hindi rin sila nahiya sa presensiya du’n ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi man lang nila naisip ang kapakanan at kalagayan ni Mommy Inday Barretto.
Tumangging nakipagbati si Marjorie kay Gretchen, pumorma namang sisipain ni Nicole na anak ni Jay-Jay si Gretchen, kaya nang makatiyempo si La Greta ay hinagip niya ang mahabang buhok ng kanyang pamangkin at sinabunutan.
Ang lugar ng burol ay napuno ng mga sosyaling komentong “Stop it!” “Not here!” “Oh, my God!” “You started it all!” “Why are you here? You’re not even invited!” At kung anu-ano pang sopistikadang mga komento ng mga nandu’n.
Komento ni SOS, “Hindi man lang nirespeto nina Marjorie at Nicole ang burol, kahit ang presensiya ni PRRD, e, binalewala nila! Plastic daw si Gretchen sabi ni Marjorie, pero para sa amin, mas mabuti nang maging plastic kesa sa bastos!
“Sa labanang ito, Team Gretchen kami for the win!” sabi pa ng sutil naming anak-anakan.
Muli ay nabuhay ang pamilyar na linyang “What is beauty if your panty is dirty!”
Tatlong magkakadugo tinuhog ng negosyante
TUHOG ang titulo ng pelikulang dapat pagbidahan ng isang kilalang negosyante. Tatlong miyembro ng isang kilalang pamilya sa showbiz ang kinarelasyon nito.
Ang una nitong naging girlfriend ay si bunso, sumunod ay si pamangkin, at ang kanyang karelasyon naman ngayon ay si ate.
Sabi ng isang source, “Naku, ha? Tuhog talaga ang ginawa ng businessman sa magkakadugong babaeng ‘yun! Magkakaibang panahon naman niyang nakarelasyon ang three girls, pero talagang hindi na siya umiba ng bakuran, sa totoo lang!
“Kaya mainit sa isa’t isa sina ate at pamangkin, nagkakagirian sila, kasi nga, e, sila ang yesterday at today ng milyonaryong negosyante!” napapailing na kuwento ng aming source.
Nakakaloka ang istoryang ito, maraming titulong puwedeng ilapat sa gagawing pelikula ng negosyante, bukod sa Tuhog ay puwede rin ang Una Siyang Naging Akin.
Huling sultada ng aming impormante, “Kagagandang babae! Pero isang pinggan lang pala ang kinakainan nilang tatlo!”
Ganown!
Ready sa giyera: Female personality walang alahas
MARAMING nakapansin na walang suot na mga alahas ang isang pamosong female personality nang magsadya siya sa isang lugar. Kilala siya sa pagiging alahada, marami siyang diyamante sa katawan, patung-patong pa nga ang mga suot niyang kuwintas.
Pero pagpansin ng mga miron ay nagpunta siya du’n nang walang mga burloloy sa kanyang katawan. Simpleng-simple siyang dumating kahit pa kaya niyang bumili ng jewelry store.
Duda ng isang source, “Hindi kaya talagang nakahanda siya sa anumang mangyayari nu’ng gabing ‘yun? Alam kaya niya na siguradong may magaganap na gulo?
“Kasi, kung kilala nga natin ang girl, e, security cushion niya ang mga alahas, hindi siya umaalis nang walang suot na pagkalalaking bato at makakapal na kuwintas at bracelet!
“Hindi kaya alam niya talagang may nakaambang giyera nu’ng gabing ‘yun, kaya dumating siyang walang-walang mga alahas?
“Hindi kaya may kinalaman siya talaga sa nangyaring gulo sa pagitan nila ng mga kadugo niya? Nagtatanong lang naman,” napapailing na tanong-opinyon ng aming impormante.