NAPAKADIRETSO ng pagkakasabi ni Mark Bautista, “I love both sexes.” AC/DC siya. Puwede siya sa kuryente at puwede rin sa baterya. Chickboy si Mark. Puwede sa chicks, puwede rin siya sa boy, ganu’n.
Ilang Mark Bautista ba meron ang mundo ng musika? Iilan lang sila na totoong-totoo hindi lang sa kanilang mga sarili kundi pati sa publiko.
Napakahaba nga naman ng kanyang ipinagtiis. Matindi ang kanyang pinagdaanang sakripisyo. Kailangan niyang tanggapin ang pagpapareha sa kanya sa iba-ibang babaeng artista pero ang isinisigaw naman ng kanyang puso ay iba.
Kailangan niyang kumilos nang brusko sa harap ng mga camera pero kapag nag-iisa na lang siya ay saka lang siya nakahihinga. Hindi kasi siya ang nakikita ng publiko, ibang Mark Bautista ‘yun, hindi ang tunay na siya.
May mga nangungutya, wala namang ligtas ngayon sa social media, lahat ay nagiging biktima ng paghusga.
Pero mas nakararami ang pumupuri kay Mark Bautista, mas maraming palakpak ang ibinibigay sa kanya, hindi nga naman ganu’n kadali ang umamin sa publiko ng tunay niyang nararamdaman.
Ang pagpapakatotoo ngayon ni Mark sa sinulat niyang libro ay parang lantarang imbitasyon na rin para sa mga personalidad na matagal nang nagtatago ng tunay nilang gender.
Pero hindi ‘yun sapilitan. Maraming kunsiderasyong dapat isaalang-alang. Ang popularidad, ang puwede pa nilang kitaing milyones habang hindi pa sila naglaladlad, ang magiging reaksiyon ng publiko kapag nagtapat na sila bilang sirena at hindi pala siyokoy.
Celebrity hatid-sundo ng taxi sa casino
MAY mga suki na palang taxi drivers ang isang pamosong female personality na naghahatid-sundo sa kanya sa casino. Sa kanyang estado ngayon ay walang sariling sasakyan ang aktres.
Kapag tumatanggap siya ng proyekto ay kasama sa mga hinihingi niya ang service. Hatid-sundo rin siya ng sasakyan ng produksiyon dahil wala siyang naipundar na sariling kanya.
Sabi ng isang source, “Tiyempuhan ang ibinibigay niya sa taxi driver. Kapag nananalo siya, triple ang tip niya sa driver. Kapag olat naman siya, e, pasensiyahan na, kung ano ang metro, ‘yun lang ang binabayaran niya saka konting barya-barya.”
Napapapalatak ang mga dribam ng taxi kapag ang aktres ang kanilang paksa. Mabait daw naman ang female personality, marespeto sa kanila, pero talagang hindi matanggap ng mga ito ang naging kapalaran niya.
“Idolong-idolo siya ng nanay ko! Lahat ng pelikula niya, pinanonood ng nanay ko! Kaya nga nu’ng ikuwento ko sa kanya na nagta-taxi lang ang idol niya, e, huwag daw akong luluko-luko! Huwag daw akong nagpapakalat ng fake news!
“Ipakita ko nga sa nanay ko ang picture namin ng idolo niya, di wala na siyang nasabi, naniwala na siya na wala ngang sasakyan ang ipinakikipaglaban niya ng patayan nu’n na idol niya!” pagtatapat ng taxi driver.
Ha! Ha! Ha! Ha!
Hunk actor, nagkadyowa ng steward
BUONG-ningning na kuwento ng isang pamosong aktres sa kanyang katabi, “Huwag mo akong iko-quote, idedenay ko ito! Naging jowa ni____(pangalan ng isang guwapong hunk actor) ang isang pamangkin ko! Madalas siyang mag-stay sa bahay ng sister ko, nagbababad siya du’n!”
Pang-uusisa naman ng pinagkukuwentuhan, “Napakaganda naman siguro ng pamangkin mo, puro magaganda kasi ang ex ni ____(ang sikat na hunk actor)!”
Nakataas ang kilay sa tenth floor na arya ng aktres, “Gagah! Lalaki ang pamangkin ko! Steward siya, sa eroplano sila nagkakilala!”