Mark Reyes wagi sa APT

noli-cruz-all-n

May isa na namang tayong kababayan na nagpakitang gilas sa international poker scene. Iwinagayway ni Mark Reyes ang bandera ng Pilipinas sa Asian Poker Tour na ginaganap nga­yon sa Taiwan matapos ibulsa ang titulo sa Short Deck Event ng serye.

Hindi naman yata kalakihan ang premyong nakuha ni Reyes dahil TWD 9,900 (P16,618) lang ang entry fee pero malaking boost iyon sa kanyang kumpiyansa.

Kita agad ang ebidensiya sa sumunod na laro ni Reyes at siya ang tumapos na chip leader sa Day 1A ng Championship Event na may garantisadong premyo na TWD 5,000,000 (P8,395,459). Ngayong araw magtatapos ang serye at ngayon din malalaman kung sino ang magbubulsa ng top prize sa Championship Event.

Ang panalo ni Reyes ang patunay na maraming Pilipino ang kayang makipagsabayan sa international poker tournaments. Malaking bagay ang kumpiyansa sa poker at hindi nagkukulang sa kumpiyansa ang mga Pinoy.

Nakatulong din siyempre na nakita na nating manalo ng malaking premyo ang mga poker stars natin na sina Mike Takayama, Lester Edoc at ang most successful Filipino poker player of all-time na si Marc Rivera.

Masasabi nating malaking tagumpay para sa mga Pinoy ang unang quarter ng poker season dahil na rin sa pagkakapanalo ni Rivera ng P113 milyon sa Bahamas Event noong Enero. Sana nga lang ay masustena natin ang ating mainit na simula.

Sana rin ay hindi lang ang Big Three natin (Takayama, Edoc, Rivera) ang mamayagpag nga­yong taon. Magandang senyales na ang tagumpay ni Reyes sa Taiwan kaya naman tiwala tayo na marami pang kababayan natin na maghahakot ng karangalan at premyo mula sa poker.