Dalawang tulog na lang magsisimula na ang bakbakan sa first Premier Volleyball League Collegiate Conference tampok ang 12 women’s volleyball teams.

Markado ang reigning NCAA titlist Arellano University at former UAAP champion Ateneo sa event na hinati sa dalawang grupo.

Mapapalaban agad ang Lady Chiefs at Lady Eagles sa Sabado sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Haharapin ng Arellano ang Saint Benilde, katapat ng Ateneo ang JRU sa pangalawang laro.

Inaasahan din na magbibigay ng laban ang NU na pangungunahan ng players na nagbitbit sa BaliPure sa unang PVL championship sa Open Conference.

Nasa Group A ang Lady Eagles, Lady Bulldogs, San Sebastian, Lyceum, FEU at Lady Bombers.

Kasama ng Arellano sa Group B ang UP, TIP, San Beda, Adamson at former NCAA champion Lady Blazers.

Sa huling dalawang V-League Collegiate Conference, sinakmal ng Lady Bulldogs ang korona.

Pagkakataon ng Lady Tamaraws na masubukan ang bagong sistema sa ilalim ni head coach George Pascua na pumalit kay Shaq delos Santos matapos ang 79th UAAP season.

Ipaparada ng FEU sina Jerrili Malabanan at veterans Bernadeth Pons at Toni Basas.