Markus aprub sa ama ni Janella

Balik-sigla si Janella Salvador .Hindi lang sa kanyang career ang umaariba kundi maging ang kanyang lovelife.

Kamakailan lang ay naging usap-usapan ang rumored boyfriend ng aktres na si Markus Patterson. Imbitado pa nga si Janella sa kaarawan ng ina ng young actor sa Pangasinan.

Hindi pa direktang umaamin ang dalawa sa estado ng relasyon nila pero kumbisido ang mga netizen na mag-dyowa na sila. Makikita sa fanpage na @markusjanellateamreal ang larawan ni Janella at Markus na kung saan ay magkahawak ang kanilang kamay.

Ang larawan ay ipinost nitong Setyembre 10 pero ang kasuotan ni Janella ay siya niya ring suot sa kaarawan ng ina ni Markus noong Setyembre 7.

Maraming beses na rin namataan na magkasama ang dalawa na hinihinalang nagsimula noong Marso.

At nitong Lunes ay imbitado naman si Markus sa kaarawan ng ama ni Janella na si Juan Miguel Salvador. Isang pribadong dinner ang okasyon na kung saan halos lahat ng imbitado ay nakasuot ng puti.

Sa larawan na ibinahagi ng kaparehong fanpage sa Instagram, nakaakbay si JM Salvador sa rumored couple. Senyales nga ba ito na aprub na si Markus bilang dyowa ng aktres? (Ronaline Avecilla)