Ikinatuwa ng maraming residente ng Negros Oriental ang ikinakasang Martial Law ng gobyerno kasunod ng serye ng patayan.

Ayon sa ilang taga-Negros na ating nahingan ng reaksiyon sa plano ng gobyerno, mas mabuti nang magpatupad ng Batas Militar sa kanilang lugar kung ito ang solusyon para matuldukan ang walang puknat na patayan.

Ang mga taga-Dumaguete na sakop din ng Negros Oriental na tinaguriang ‘City of the Gentle’ ay nakaramdam din ng sobrang takot sa mga patayang nangyayari.

Hindi umano sila sanay sa patayan lalo na’t kilala silang mga taga-Negros na mahihinahon.

Bagama’t ilang porsiyento lamang ang nahingan natin ng reaksiyon, ang maha­laga ay may sang-ayon sa plano ng pamahalaan.

Sabagay, kung ito na lamang ang solus­yon para manumbalik ang katahimikan sa Negros Oriental ay bakit hindi ibigay.

Huwag na sanang kontrahin ng mga kritiko ng gobyerno ang planong ito ng administrasyong Duterte lalo na’t kaligtasan at katahimikan ang idudulot sa nakararami.

***
Nakakaasiwa naman ang sitwasyon ngayon nina Executive Secretary Salvador Medialdea at Special envoy to China Ramon Tulfo.

Sinagasaan nito ang isa sa epektibong public servant sa hanay ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero siyempre kahit anong bait ‘pag napupuno ay sumasabog na malamang ang siyang rason sa likod ng ikalawang pagkakataon ay magsasampa muli ng kasong libelo kay Tulfo dahil sa isinulat nitong co­lumn noong Mayo 28 na pawang walang katotohanan at malis­yoso sa pananaw ni ES Medialdea.

Sa pangyayaring ito ay marami ang nagtatanong kung bakit nakapuwesto pa itong si Tulfo sa gobyerno, bilang special envoy to China.

Ayaw nating magmagaling pero sa tingin ko ay dapat pag-isipan ni Pangulong Duterte ang presensiya ni Tulfo sa hanay ng mga opisyal dahil nakakagulo lamang ito sa maayos na pamamalakad sa gobyerno.

Kumbaga imbes tumulong si Tulfo sa maayos na takbo ng gobyerno ay nakakadagdag pa ito ng isipin.

“Malicious imputations of crimes and dishonorable acts in the said article, which assassinated my character and good reputation,” paliwanag ni ES kaya humantong sa pagsasampa niya ng kaso kay Tulfo.

Kaya hindi na dapat magtaka si Tulfo sa daluyong ng kaso na dumarating sa kanya dahil sa kanyang istilo bilang hard-hitting columnist.